ISANG 3 MILLION-PESO QUESTION

NOONG OCTOBER 24, bandang 6:00 am, sinalakay ng grupo ng Anti-Illegal Drugs Special Operations Task Force (AIDSOTF) ang isang bahay sa Brgy. Dalahikan sa Lucena City sa bisa ng isang search at arrest warrant na inisyu ng korte para sa isa umanong drug lord na nagngangalang Antonio Siu.

Pero animo’y isang milagro at nakatakas si Siu. Ngunit nasamsam ng raiding team ang may isang daang gramo ng shabu sa loob ng nasabing bahay. Kasama rin sa nadatnan ng grupo ng AIDSOTF sa bahay na iyon ang dalawang lalaki na pawang mga kamag-anak ni Siu at isang babae na sinasabing girlfriend nito. Ayon sa PDEA ang nasabing dalawang kamag-anak ni Siu ay mga drug chemist umano at matagal nang minamanmanan ng PDEA. Dinala ng AIDSOTF sa Crame ang mga shabu at ang tatlong suspek.

At noong October 26, isang lalaking nagpakilalang tauhan ni Siu na itatago natin sa pangalang Marlon (hindi niya tunay na pangalan) ang dumulog sa WANTED SA RADYO. Inamin ni Marlon na ang tatlong kataong dinala ng AIDSOTF sa Crame ay mga kasabwat ni Siu sa pagma-manufacture ng shabu.

Sinabi rin ni Marlon na humihingi umano ng 3 million pesos ang AIDSOTF sa mga kamag-anak ng tatlo kapalit ng kanilang kalayaan. One million pesos daw kada ulo. Kaya umabot daw ng halos dalawang araw ang negosasyon dahil sa matagal na tawaran.

Agad namang tinawagan ng WSR ang AIDSOTF ngunit itinanggi nila ang paratang ni Marlon tungkol sa 3 million pesos. Pero inamin nila, sa pamamagitan ni Col. Francisco Uyami, na mapapakawalan ang tatlong suspek na nasa kanilang custody dahil wala raw silang matibay na ebidensiya laban sa mga ito. Ayon pa kay Uyami, ang dalawang suspek ay idi-deport pabalik ng China samantalang ang babae naman ay iti-turn over sa custody ng mga kamag-anak nito.

At nang gabi ring iyon tumawag si Gen. Benjamin Belarmino, ang chief ng AIDSOTF, sa mga staff ng WSR para sabihing napakawalan na ang tatlong suspek. Napag-alaman ng WSR kay Director Derick Carreon, spokesperson ng PDEA, na hindi authorized ng PDEA ang isinagawang raid na iyon ng AIDSOTF kaya hindi rin sila nagpasama ng kanilang mga tauhan sa naganap na raid.

Ang lahat na gagawing paghuli o pag-raid ng anumang law enforcement agency hinggil sa mga illegal drug activities, ayon sa batas, ay kinakailangang may coordination sa PDEA. Inamin ni Carreon na tinangka ng AIDSOTF na magsagawa ng coordination sa kanila ngunit tinabla ito ng PDEA, sapagkat hindi sinunod ng AIDSOTF ang mga pinaka-basic requirement para sa isang coordination request.

Animo’y nais iligaw umano ng AIDSOTF ang PDEA tungkol sa gagawin nilang raid. Ayaw sabihin ng AIDSOTF sa PDEA ang area kung saan magaganap at ang eksaktong araw na isasagawa ang raid. Dahil dito, nakahalata ang PDEA at agad silang tumanggi na maisama ang kanilang pangalan sa operasyon sapagkat ayaw nilang madungisan ang kanilang reputasyon.

Ngayon ang 3 million peso question, bakit pinakawalan ng AIDSOTF ang tatlong suspek na ang dalawa sa mga iyon ay mga drug chemist?

Shooting Range
Raffy Tulfo

loading...

Leave a Reply

Your email address will not be published.