Ipinagkakalat na may kanser daw siya
John Regala, galit na galit sa isang kasamahan sa showbiz!

SINO NGA ba ang pinupuntirya ni John Regala na diumano’y nagkalat na may kanser ito? Sa ulat ng Ang Latest: Updated ng TV 5 last Saturday, February 23, galit na galit ang actor sa isang ‘tao’ na tinatawag niyang ‘kuya’ na nagpakalat daw na may sakit siya.

Ayon pa kay John, “Wala akong sakit na kanser. Kanser? Sa bulsa meron, kasi sa kakadukot ko walang madukot. Yun nagkakanser (ako) sa kuko ko.”

Alam na daw ni John ang tungkol sa kuwentong ito at kilala na raw niya kung sino ang nagpapakalat ng isyu.

Lahad niya, “(Ang) Nagpapakalat niyan na may sakit ako, ‘yung isang taong pumasok sa pagko-kontrabida, na dating bida para mawalan ako ng pelikula at sa kanya lahat mapunta ‘yung mga project. Sinisiraan niya ako, kaya ipinagkakalat niya na ako ay maysakit.

“Para nga naman hindi ako kukunin ng producers kasi ‘May sakit si John Regala eh’. Eh, ‘di sa kanya mapupunta ‘yung project. Sabi ko nga kung lalaki siya, humarap siya sa akin, ayaw niyang humarap, eh. Ingat ka lang sa akin ano, hindi na kita tatawaging ‘kuya,’ pero ingat ka lang sa akin.”

Masakit daw para kay John ang mga pangyayaring ito dahil apektado na raw ang kanyang pamilya. Maluha-luha niyang banggit, “Pamilya ko na ang naapektuhan, biruin mo gusto kong magtrabaho para sa ikabubuhay ng aking pamilya, asawa ko, maipagamot ko ‘yung myoma niya.

“Masakit kasi alam mo after na naparalisado ako, ang asawa ko hindi ako iniwan, eh. Kung puwede lang na akuin ko lahat ng sakit, Ama ibigay mo na sa akin lahat, huwag na sa asawa ko.”

Isa rin sa ikinalulungkot ni John ay ang pangako daw niya sa may edad nang ina na magandang buhay. Lahad pa niya, “Ngayon pinipilit kong makabangon muli para sa nanay ko. Para sa pamilya ko. Sa awa ng Diyos, sa tulong ng Diyos naging normal na ang aking uric acid, wala nang namamaga sa akin.”

Sa huli, nagpaabot ng mensahe si John sa taong diumano’y naninira sa kanya. Dagdag pa niya, “Sana hipuin ng Diyos ang puso mo na magbago ‘yung puso mo, hipuin sana ng Diyos.”

 

HALOS APAT na buwang pinlano at pinaghandaan ng maybahay ni Senator Jinggoy Estrada na si Precy Ejercito ang kanyang sorpresang birthday gift para sa asawang senador – ang bonggang selebrasyon nito sa Manila Hotel Tent last February 16, 2013. Mula sa kaliit-liitang detalye ay mabusising inorganisa ni Precy kaya naman sobrang matagumpay ang birthday salubong ni Senator Jinggoy.

Nagsilbing hosts sa program sina Pops Fernandez at Edu Manzano at opening number ang Hotlegs dancers sa saliw ng mga musikang paborito ng mag-asawa.

Kasunod nito, isang VTR naman na dinirek ng kapatid nitong si Jackie Ejercito-Lopez tungkol sa childhood ni Jinggoy ang ipinakita kung saan tampok sina Jackie, Jude Estrada at former Senator Loi Ejercito Estrada kung saan ikinuwento nila kung anong klaseng kapatid at anak at ang pagbulgar nila sa isang bagay na kinatatakutan nito – ang ipis.

Kasunod na nag-alay ng kanilang production number ang mga pinsan at mga bestfriend ng senador.

Bago ang birthday speech nito, nag-alay muna ng birthday greetings via VTR si Former President Joseph ‘Erap’ Estrada sa anak. Matapos nito, isang ‘flash mob’ video ang ipinalabas kung saan lahat ng mga kamag-anak, kaibigan, kapamilya at maging si Erap mismo ay sumayaw. Wala namang katapusang palakpakan ang narinig sa buong venue ng sumayaw si Erap ng ‘Gangnam Style’.

Matapos ang programa, nakausap saglit namin si Senator Jinggoy.

Bungad niya sa amin, “Ako, I’m very blessed, all my friends are very supportive of me, through thick and thin andiyan sila, kahit anong oras mo sila kailangan. Maraming salamat po  sa inyong lahat.”

May mahihiling pa kaya siya sa kanyang buhay? Saad niya, “Ang wish ko lang naman eh, sana makapagsilbi pa ako sa bayan kahit above 50 na ako. Tutal malakas pa naman ako, binigyan naman tayo ng ating Panginoon ng malakas na pangangatawan sana patuloy pa rin akong makapanilbihan.”

Sure na ‘to
By Arniel Serato

2 thoughts on “Ipinagkakalat na may kanser daw siya
John Regala, galit na galit sa isang kasamahan sa showbiz!

  1. MUKHANG ANG KANYANG “KUYA IPE” ANG PINARIRINGGAN NI JOHN REGALA. NAGSIMULA ATA YAN SA ASIONG SALONGA NOON.