Internet mug shots ni GMA, kumpirmadong ‘di peke

KINUMPIRMA NG SOUTHERN Police District (SPD) na totoong mug shots ni dating Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo ang kumakalat sa mga social networking sites at internet.
Ang kumalat sa internet ay ‘yan din ang totoong nakunan ng PNP-CIDG noong Sabado at nabigyan sila ng kopya, ayon kay SPD chief S/Supt. Franklin Bucayu.
Pero agad na itinuwid ni Bucayu na hindi sa kanila nanggaling ang paglabas ng larawan dahil mahigpit ang kanyang tagubilin sa kanyang mga tauhan na kailangan may permiso ito sa korte.
Inamin din naman ng opisyal na nitong mga nakalipas na araw ay maraming media entity ang nangungulit sa kanila na mabigyan ng kopya ng mug shots pero ipinaubaya nila sa korte ang paglalabas nito.
Makikita sa larawan ang frontal shot at dalawang sideview ni CGMA na naka-neck brace at sa ilalim nito ay nakasulat ang salitang Cong. Gloria Macapagal-Arroyo criminal case #R-PSY-11-04432-CR.
Ang naturang larawan ay kalat na ngayon sa Twitter, Facebook, at iba pang internet websites.
“Totoo po ‘yan, kaya lang nagtaka kami papaano nakuha,” ayon kay Bucayu.
Pero ang kumpirmasyon ng SPD ay kinokontra naman ni DILG Secretary Jess Robredo.
Noong nakalipas na Sabado kinuhanan ng CIDG ng mug shots at fingerprints ang dating Pangulo habang ito ay nasa hospital arrest sa St. Luke’s Medical Center sa Taguig City dahil sa kasong Electoral Sabotage.
Sa panig ni Senior Supt. Joel Coronel, hepe ng NCRPO-CIDG, sinabi nitong ipinauubaya nila sa korte kung papayagang ilabas ito sa media.
Ang larawan ay nasa digital form at nabigyan ng CIDG ng kopya ang SPD.
Nakiusap na rin si Atty. Ferdinand Topacio, isa sa mga abogado ni Atty. Mike Arroyo na kung maaari ay ‘wag nang ilabas sa publiko ang mga nabanggit na larawan dahil nakakasira ito ng dignidad at dapat pairalin pa rin ang presumption of innocence.
Para naman kay Sen. Panfilo “Ping” Lacson, kung ang layunin lamang ay ipahiya ang dating Pangulo, magandang hindi na raw dapat isapubliko pa ang mga larawan.
Hindi na dapat pang pahiyain si Mrs. Arroyo lalo na sa kasalukuyan nitong kalagayan, dagdag pa ni Lacson.
(PARAZZI REPORTORIAL TEAM)

 

Tags: ,
Balita

About the Author

has written 12690 stories on this site.

loading...

Leave a Reply

Your email address will not be published.