Internet Freedom, Inihain ni Miriam; Online Violence, Susugpuin ni Nancy

NAGHAIN SI Sen. Miriam Defensor-Santiago ng panukalang batas na magsusulong ng malaya at res-ponsableng paggamit ng Internet.

Layon ng Senate Bill No. 53 o ang Magna Carta for Philippine Internet Freedom (MCPIF) na amyendahan ang naunang Cybercrime Prevention Act o ang Republic Act. No. 10175.

Sinabi ni Santiago na poprotektahan ng kanyang panukalang batas ang karapatan at kalayaan ng mga Pinoy sa cyberspace kasabay ng pagbibigay kahulugan at pagtatakda ng parusa sa cybercrimes.

Ayon sa senadora, bagama’t mahalagang sugpuin ang mga gawaing kriminal sa Internet, dapat pa ring manguna sa pagbalangkas ng batas ang kalayaan sa pamamahayag, privacy at due process.

Sa ilalim ng MCPIF, ituturing na lang na civil liability ang libel imbes na criminal act gaya ng nakasaad sa binabatikos na Cybercrime Prevention Act ni Sen. Edgardo Angara.

Kasabay nito, panukalang batas naman para sugpuin ang “online violence” ang inihain ni senador Nancy Binay.

Inamin ng media relations officer ni Binay na si Rex Hirang na ang naging karanasan ng mambabatas noong kampanya ay bahagi ng desisyon nitong ihain ang nasabing panukalang batas.

Maaalala na naging target ng pambabatikos sa Internet ang umano’y kawalan ng sapat na karanasan at kwalipikasyon ni Binay para maging senador.

Kapag naisabatas, aamyendahan ng panukalang Electronic Violence Against Women (E-VAW) Law of 2013 ni Binay ang RA 9262 o ang Violence Against Women and Children Act of 2004.

Tinatarget ng baguhang senadora na sugpuin ang ayon dito’y mapanira at iresponsableng paggamit ng social media.

Base sa panukalang batas, ang “electronic violence” ay nangangahulugan ng paggamit ng anumang impormasyon sa Internet na magdudulot ng mental, emotional at psychological distress sa sinumang biktima.

Samantala, Pebrero nang palawigin pa ng Supreme Court (SC) ang nauna nang 120-day temporary restraining order (TRO) na ipinalabas nito para pansamantalang ipatigil ang pagpapatupad ng Cybercrime Prevention Act.

(PARAZZI REPORTORIAL TEAM)

 

loading...

Leave a Reply

Your email address will not be published.