Iniwan ng Mister: Misis, Naghuramentado

NAKADETINE NGAYON ang isang ginang makaraang magwala at aksidenteng makabaril ng isang tao na naglalakad dahil umano sa sobrang pagkadismaya nang iwan ng kanyang asawa sa Caloocan City kahapon ng madaling-araw.

Ang suspek na nakapiit ngayon sa detention cell ng Caloocan City Police Station at nahaharap sa patung-patong na kaso si Shiela Perez, 33, tindera at residente ng Sta. Cruz Compound, Baragay 173 ng nabanggit na lungsod.

Masuwerteng sa paa lamang tinamaan ang biktimang si Mary Jane Paragoso, 48 anyos, may-asawa at kapit-bahay ng suspek.

Sa inisyal na imbestigasyon ng Caloocan City Police Sub-Station 5, ang insidente ay naganap dakong alas-2:00 ng madaling-araw hindi kalayuan sa bahay ng suspek sa naturang lugar.

Nabatid, lasing umano na nakatayo ang suspek sa harap ng kanyang bahay habang hawak ang isang sumpak nang mapadaan ang biktima kung saan ay biglang pumutok ang hawak na baril ng suspek.

Naramdaman na lamang ng biktima na tila may batong tumama sa kanyang paa at nang kanyang lingunin ang nagwawalang kapit-bahay ay nakita niyang may hawak itong baril kaya’t tumakbo na siyang papauwi at mabilis na nagsara ng kanilang pintuan.

Pagpasok ng biktima sa kanilang bahay ay laking gulat na lamang ng mister nito na puro dugo umano ang paa kaya dali-daling dinala ang huli sa Tala Hospital para malapatan ng lunas.

Agad ding naaresto ang suspek sa tulong na rin ng kanilang mga kapitbahay na naabutan na lamang ng awtoridad na nakahiga at natutulog na sa kalye dahil sa sobrang kalasingan, idiniretso rin ang suspek sa parehong pagamutan para sa physical examination at pagkatapos ay binitbit na sa kanilang himpilan.

Napag-alaman, bago umano maganap ang insidente, ang suspek at ang asawa nito ay nagkaroon ng isang mainitang pagtatalo na humantong upang ang asawa ng suspek ay lumayas bitbit ang kanyang mga damit.

Kasalukuyang nasa kustodiya na ng Caloocan City detention cell ang suspek at nahaharap sa patung-patong na kasong Illegal Possesion of Firearm and Ammunition, Frustrated Homicide at Alarm and Scandal na may suma-total na P100,000 piyansa.

(ROMAN MAGPOC)

 

loading...

Leave a Reply

Your email address will not be published.