Inabandona ng Mister na OFW

 

Dear Atty. Acosta,

AKO PO ay may-bahay ng isang OFW. Tanggap ko na mahirap ang a-ming sitwasyon dahil malayo ang aking asawa, ngunit ang higit na mahirap po ay ang hindi na niya pagtugon sa aming mga pangangailangan. Mahigit isang taon na rin siyang hindi nagbibigay ng suporta. Hindi ko alam kung paano makakapasok sa paaralan ang aming mga anak. Nabalitaan ko na umuwi raw ang aking mister ngunit hindi po siya nagpaparamdam sa amin. Ang sabi ng kanyang kaibigan ay plano niyang kunin sa akin ang aming mga anak. Ano po ang gagawin ko? Gulung-gulo na po ako. Nawa’y matulungan ninyo ako.

Gumagalang,

Mildred S.

 

Dear Mildred S.,

MARAMING SAKRIPISYONG kaakibat ang pagtatrabaho sa ibang bansa kung kaya’t kailangang matatag ang loob ng buong pamilya sa ganitong sitwasyon. Nais naming ipaalala, lalo na sa mga kababayan nating mga Overseas Filipino Workers (OFWs), na hindi tumitigil ang inyong responsibilidad sa inyong pamilya sa oras na kayo ay lumabas ng ating bansa, at kailangan na patuloy ninyong tugunan ang inyong responsibilidad sa inyong asawa’t mga anak. Sa puntong ito, makabubuting sulatan o tawagan mo ang iyong asawa upang maipaalala mo ang kanyang responsibilidad sa iyo at sa inyong mga anak. Kung hindi mo siya makausap, maaari mong subukang makipag-ugnayan sa kanyang mga kamag-anak o kaibigan na nakakaalam kung saan siya matatagpuan nang maiparating mo sa iyong asawa ang inyong mga panga-ngailangan.

Kung hindi pa rin tumalima ang iyong asawa at nais mo nang daanin sa legal na proseso ang iyong problema, maaari kang magsampa ng petition for support sa Regional Trial Court ng lugar kung saan kayo ng iyong mga anak nakatira. Maaari ka ring magsampa sa City o Provincial Prosecutor’s Office ng lugar kung saan kayo nakatira ng kaso sa paglabag ng probisyon ng Republic Act No. 9262 o ang batas kaugnay ng Anti-Violence Against Women and Their Children. Alinsunod sa Section 5 ng R.A. No. 9262, “The crime of violence against women and their children is committed through any of the following acts: x x x (i) Causing mental or emotional anguish, public ridicule or humiliation to the woman or her child, including, but not limited to, x x x denial of financial support or custody of minor children or access to the woman’s child/children.” Mahalaga na mapatunayan mo na mayroong intensyon ang iyong asawa na hindi magbigay ng suporta. Sa aspeto naman ng nakaambang pagkuha ng iyong asawa sa inyong mga anak, sa oras na nakahain na sa hukuman ang iyong reklamo, maaari mong hilingin sa hukuman ang pagpapalabas ng kautusan o Hold Departure Order upang pigilan ang pag-alis niya at ng iyong mga anak.

Sana ay nabigyan namin ng linaw ang iyong katanungan. Ang payong aming ibinigay ay base lamang sa mga impormasyon na iyong inilahad at maaaring magbago kung mababawasan o madaragdagan ang mga detalye ng iyong salaysay.

 

Atorni First
By Atty. Persida Acosta

Comments are closed.