Inaabuso ng Pinagtatrabahuhang Salon

Dear  Atty. Acosta,

TATLONG TAON na akong namamasukan sa isang salon bilang isang senior stylist. Matagal ko nang alam ang kapabayaan ng aming kumpanya, ngunit ngayon lamang ako nagkaroon ng lakas ng loob na lumapit sa inyo. Kadalasan ay dose oras kaming pinapapasok sa trabaho at kahit Pasko o Bagong Taon ay pinipilit nila kaming magtrabaho, samantalang ang ibang salon ay sarado sa mga araw na iyon. Isa rin sa mga hinaing namin ay ang pagpapasahod sa amin na hindi umaabot sa minimum wage. Tama po ba ang ginagawa ng aming kumpanya sa amin? Sana ay mabigyan ninyo ako ng payo kung ano ang dapat kong gawin upang makamit ang katarungan.

Gumagalang,

Eduardo

 

Dear Eduardo,

MAYROON TAYONG mga batas na nangangalaga sa karapatan ng mga manggagawa, at ang isa na rito ay ang Presidential Decree No. 442 o ang Labor Code of the Philippines. Ayon sa Artikulo 83, id, ang normal na bilang ng oras na tatrabahuin ng isang manggagawa ay hindi hihigit sa walong oras. Subalit, hindi isinasang-tabi ng batas na ito ang kalayaan sa pakikipagkasundo, kung saan ang empleyado at ang kanyang employer ay maaaring magkasundo na ang oras ng pagtatrabaho ay hihigit sa nasabing walong oras. Ngunit kailangang bayaran ang manggagawa ng kaukulang overtime pay sapagkat batay sa Artikulo 87, id, “Work may be performed beyond eight (8) hours a day provided that the employee is paid for the overtime work an additional compensation equivalent to his regular wage plus at least twenty-five percent (25%) thereof. x x x” Maaari rin kayong maatasang pumasok sa araw ng pasko o bagong taon kung ito ay sakop ng inyong kasunduan, ito ay napapaloob pa rin sa inyong 40-hour work week. Maaaring hilingin ito sa inyo ng inyong kumpanya, subalit mahalaga na kayo ay bayaran ng kaukulang holiday pay, maliban na lamang kung ang bilang ng regular na empleyado sa inyong pinapasukang salon ay hindi hihigit sa sampu. (Artikulo 94, id)

Kaugnay naman sa iyong sinasahod, nakatakda sa Wage Order No. NCR-15 na ang minimum wage ng isang pribadong manggagawa na nagtatrabaho sa non-agricultural sector sa National Capital Region ay P404.00. Kung ang bilang naman ng manggagawa sa inyong kumpanya ay hindi hihigit sa labing-lima, ang minimum wage na kailangang ipasahod ay P367.00. (http://www.nwpc.dole.gov.ph) Ngunit ang mga sumusunod na mga establisimento ay exempted o maaaring hindi magbigay ng minimum wage kung ito ay: “(1) Distressed establishments; (2) Establishments whose total asset including those but exclusive of the land on which the particular business entity’s office, plant and equipment are situated, are not more than P3Million; (3) Retail/Service establishments regularly employing not more than (10) workers; (4); Establishments adversely affected by natural calamities; (5) Micro and small indigenous exporters as certified by the Export Development Council, subject to the criteria and requirements to be provided for in its Implementing Rules.” (Section 8, Republic Act No. 6727).

Samakatuwid, kung ang inyong pinagtatrabahuan ay isa sa mga nabanggit na uri ng establisimento ay maaari itong magpasahod nang mas mababa sa itinakdang minimum wage. Sa kabilang banda, kung ito ay hindi nabibilang sa mga nabanggit at hindi ito susunod sa nasabing kautusan ay maaari itong maparusahan.

Atorni First
By Atty. Persida Acosta

loading...

One thought on “Inaabuso ng Pinagtatrabahuhang Salon

  1. Dear Atty. Acosta,
    Ako po ay ngkaroon ng utang na 10k sa isang 5’6 at nitong nakalipas na 4 na buwan ay nahuhulugan ko nmn po ang interes na 20%. Nagkataon nmn pong ngkasakit ang akinig anak kya nd din aq nkabayad ng tubo sa kanya. Nd ko nmn po tinatalikuran ang utang ko pero gusto po nyang kuhanin sa akin ng buo ang 10k kasama ang interes. Tapos po yung kapatid nya halos ipamalita na sa buong school yun utang at may dagdag pa hindi yung mismong halaga ng pagkakautang ko ang pinamamalita. Ang sa akin nmn po kmi nmn po ang ngkakausap, nakikipagusap naman po ako n maayos bakit kailangan pa nyang kung kani kaninong tao isabi at kung sino sino na ang pinapapunta nya sa bahay nagkakausap naman po kming 2 at yung kapatid nya. Wala po kaming pinirmahang kasulatan kahit pag nagbabayad. Hindi naman po ako sa kanya may utang kundi dun sa kapatd nya. Magbabayad naman po ako pero hindi ko po maintindihan kung bakit walang tigil ang bibig nya pero pag magkaharap kmi at magkausap hindi po sya nagtatalak pero po pag hind kmi magkaharap kung anu2 po ang sinasabi. Ta ma po bang sa barangay na lng kmi magusap para po matigil yung kapatid nya sa pagtsitsisms? Salamat po.

Leave a Reply

Your email address will not be published.