Impeachment, diretso na sa Senado Merci, tinuluyan na sa kongreso

IPINASA NA SA Mababang Kapulungan ng kongreso ang impeachment laban kay Ombudsman Merceditas Gutierrez para sa kasong betrayal of public trust kahapon ng madaling-araw, Martes.

Pinalakpakan ng tropang pro-impeachment ang resulta ng botohan kung saan 212 na mambabatas ang bumoto para sa impeachment ng Ombudsman, 47 naman ang tutol, at 4 ang hindi bumoto.

Pasado alas-dose kagabi nang matapos ang botohan pero kumpleto ang mga mambabatas sa kanilang mga upuan sa Plenaryo na nagpatindi sa bulung-bulungan na natakot daw ang mga kaalyadong kongresista ng administrasyon sa sinasabing walang pork barrel silang matatanggap kung hindi boboto para ma-impeach si Gutierrez. Pinabulaanan naman ng mga kongresista na may ganu’ng banta mula sa liderato ng administrasyon.

Mistulang piyesta ang kaganapan sa Kongreso kagabi. Inaasahang dadalhin sa Senado ang articles of impeachment pagkatapos ng break ng Kongreso na magsisimula ngayong linggo at magre-resume sa unang linggo ng Mayo. Nasa Senado na ang bola at nasa kamay na ng mga senador ang kapalaran ni Gutierrez.

Ayon kay Minority Leader Congressman Edcel Lagman, kung tratuhin daw ng administrasyon ni P-Noy si Gutierrez ay parang “public enemy no. 1”. Tinangka pa ng grupo ng minorya sa Kamara na pinamumunuan ni Lagman na depensahan ang nakaupong Ombudsman at ma-delay ang impeachment kay Gutierrez dahil hindi daw nabigyan ng sapat na panahon ang Ombudsman na ipaliwanag at ipagtanggol ang sarili, pero natuloy rin kagabi ang botohan.

Ayon sa mga gustong ma-impeach si Gutierrez, wala raw ginawa ang Ombudsman at inupuan lang ang mga malalaking kaso ng katiwalian kaya walang nangyari sa mga ito, kagaya ng fertilizer scam, ang pagpatay sa isang kadete dahil nakadiskubre ng anomalya ng iligal na droga, ang kaso ng kurapsyon sa Armed Forces of the Philippines, kung saan nabulgar ang mga heneral na nangurakot daw ng pera at marami pang iba.  (MARK ATIENZA)

Pinoy Parazzi News Service

Tags: ,
Balita

About the Author

has written 12690 stories on this site.

loading...

Leave a Reply

Your email address will not be published.