Imbestigasyon sa pekeng SARO, tinapos na ng NBI

TINAPOS NA ng National Bureau of Investigation (NBI) ang imbestigasyon kaugnay sa pekeng special allotment release order (SARO).

Sinabi ni Justice Secretary Leila de Lima na hawak na nito ang kopya matapos maisumite na sa kanya nitong linggo ng NBI ang kanilang report na may petsang Enero 29, 2013.

Gayunman, inihayag ni De Lima na pinag-aaralan pa nito ang resulta ng pagsisiyasat.

Tiniyak ng kalihim na mayroong mga masasampahan ng kaso sa pamemeke ng SARO bagama’t hindi pa nito binanggit kung sinu- sino ang mga maaaring maipagharap ng reklamo dahil iaanunsyo na lamang niya sa tamang panahon.

Nauna nang sinabi ni de Lima noong Disyembre 2013 na tukoy na ng NBI ang pagkakakilanlan ng isang tinaguriang “supremo” na diumano’y pinuno ng “Xerox Gang” na nasa likod ng pamemeke ng SARO sa tanggapan ng Department of Budget and Management (DBM).

Unang nadiskubre sa Region 2 ang pekeng SARO na diumano’y inilaan para sa mga farm to market road projects, pero sa imbestigasyon ng NBI, lumabas na nakarating din ang mga pekeng SARO sa iba pang rehiyon.

(PARAZZI REPORTORIAL TEAM)

loading...

Leave a Reply

Your email address will not be published.