Illegal Recruiter, Dakip sa Entrapment

SWAK SA kulungan ang isang sinasabing illegal recruiter matapos ang isinagawang entrapment operation ng nagreklamo sa Valenzuela City kamakalawa ng hapon.

Kinilala ni Senior Supt. Rhoderick Armamento, hepe ng Valenzuela City Police ang suspek na si Mercedita Dajotoy, nasa hustong gulang ng lungsod.

Nabatid na humingi ng tulong ang biktimang si Josephine Bagting sa mga pulis dahil nakakailang bigay na siya ng pera sa suspek ay hindi pa rin siya napapaalis upang makapagtrabaho sa abroad.

Muling humirit ng P2,000 ang suspek na naging dahilan upang magsagawa ng entrapment operation sa Maysan Road ng lungsod dakong alas-4 ng hapon.

Nang iabot ng biktima ang marked money na P2,000 sa suspek ay agad na dinamba ang huli ng mga nakapalibot ng mga pulis at dinala sa presinto.

Nanawagan naman si Armamento sa mga nabiktima ng suspek na magpunta sa presinto upang lalong lumakas ang isasampang kasong illegal recruitment laban kay Dajotoy.

(MARY H. SAPICO)

loading...

Leave a Reply

Your email address will not be published.