ILLEGAL FISHING TALAMAK SA MASBATE

BILANG HUDYAT SA muling pagbubukas ng karagatan ng Masbate para sa illegal fishing, muli na namang nagsulputan na parang mga kabute ang mga nagsisipagdayong mangingisda gamit ang ipinagbabawal na iba’t ibang uri ng panghuli ng isda.

Ito ang buod ng napakaraming sumbong na ipinaabot ng mga residente ng Ticao Island, Masbate kung saan sa pamamagitan ng pahayagang ito ay nais nilang iparating ang kanilang sumbong sa pamunuan ng PNP Maritime Group.

Idinagdag pa ng mga ito na maging ang kanilang baybaying dagat ay halos “araruhin” ng mga “barkong purseiner, trawl at zipper” kaya naman ang maliliit na mangingisda sa kanilang lugar ay wala na halos mahuling isda.

Binanggit din ng mga ito na maliwanag umanong sa uri ng nasabing pangisda na rumaratsada sa kanilang lugar, tiyak na wasak din maging ang mga coral reefs.

Ayon sa mga nagrereklamo, paulit-ulit na umano nilang ipinararating ang kanilang hinaing kay Provincial Director S/Supt. Thomas Semeniano ngunit sila pa umano ang pinagagalitan nito.

“Kami pa ang pinagagalitan ni PD kung bakit daw puro kami reklamo at hindi na lang namin hinuhuli ang mga ito. Paano ba naman namin mahuhuli ang mga ‘yan eh, malalaking barko at may mga baril pa.”

Sa ipinakita umano sa kanila ni Col. Semeniano, mahihirapan silang maniwala na hindi ito umano “patong” o walang tinatanggap mula sa nasabing iligal na pangisda.

Matatandaang matapos ang election, ilang buwan din munang naging tahimik ang karagatan ng Masbate, na akala diumano ng nasabing mga residente ay tuluy-tuloy na ang pagpapatigil sa kanilang lalawigan.

Nagulat pa umano sila nang isang umaga ay nagising na lamang ang mga residente na muli na namang namumulaklak ang dagat dahil sa naglipana ang nasabing illegal fishing vessel.

Dahil dito, nagkaisa ang nasabing mga residente na ipadaan sa media ang kanilang reklamo sa PNP Maritime Group upang matigil na umano ang “kalbaryong pinapasan” nila sa kanilang karagatan.

(Marlon Es. Ditan)

Pinoy Parazzi News Service

Tags: ,
Balita

About the Author

has written 12690 stories on this site.

loading...

Leave a Reply

Your email address will not be published.