Iligal na Terminal, May Bendisyon ni Kap

INIREREKLAMO NG mga residente at mga pedestrian ang illegal terminal sa Pio Valenzuela St., Caloocan City dahil umano sa mga naghambalang na pampasaherong sasakyan.

Ayon ng mga nabanggit, ang naturang lugar ay hindi madaanan nang maayos ng mga nagsisipaglakad at ng mga pribadong sasakayan dahil sa umaga hanggang gabi ay mahaba na ang pila ng mga public utility vehicle (PUV).

Ang nasabing illegal terminal sa Pio Valenzuela St., ay may pahintulot at may bendisyon umano ni Barangay 78 Chairman Pewee Nicolas, wika pa ng mga source.

Anila, si Nicolas ay sinasabing isang powerful barangay chairman dahil malakas umano ang kapit nito sa “itaas” kaya hindi puwedeng banggain ang operasyon nito ng pilahan ng pampasaherong sasakyan.

Matagal na umanong inaangal ng mga residente, pedestrian at maging driver ng mga pribadong sasakyan ang mga naghambalang na PUV sa Pio Valenzuela St. subalit hanggang sa kasalukuyan ay hindi inaaksiyunan ng mga kinauukulan.

“Pati illegal terminal ay pinapatulan na ni chairman, bakit hindi ba nagkakasya sa kanya ang kinikita niya sa pagiging barangay chairman,” dagdag pa ng mga nabanggit.

Nagbabayad naman daw sila ng tamang buwis kaya dapat lamang na bigyan din sila ng magandang serbisyo ng lokal na pamahalaan.

Dahil dito, nananawagan ang mga residente at mga pedestrian sa Pio Valenzuela kay Caloocan City Mayor Rico Recom Echiverri na gawan ng aksiyon ang kanilang reklamo laban sa illegal terminal sa nasabing lugar na pina-o-operate umano ni Barangay Chairman Nicolas.

(ROMAN MAGPOC)

Pinoy Parazzi News Service

Tags: ,
Balita

About the Author

has written 12690 stories on this site.

loading...

Leave a Reply

Your email address will not be published.