Iligal na Sugal sa Bulacan Talamak na Naman

PATULOY NA nananalasa ang mga illegal gambling operators sa lalawigan ng Bulacan makaraang mabatid na hindi lamang mga iligal na pasugalan sa mga peryahan ang namumutakti, kundi maging sa mga kalapit paaralan at lokal na barangay pamahalaan ay matatagpuan ang “devil machines” o mas kilala sa tawag na “video karera”.

Dahil dito, nangangamba ang mga residente na mas lalong maging lulong ang mga mamamayan sa naturang mga pasugalan o ang tinatawag na “sugal lupa” partikular na ang mga kabataan.

Ayon sa source ng Pinoy Parazzi, aktibo ang peryahan sa lungsod ng Meycauayan sa pangunguna ng isang “JR Rides” kung saan halos iba’t ibang uri ng iligal na pasugalan ang bumubuhay rito na kinabibilangan ng “color games” na siyang kinalolokohan ng marami menor de edad.

Namamayagpag din dito ang video karera ng mga nakilalang alyas “Carlito” at “Vench” na umano’y nagpapakilalang kamag-anak umano ni City Mayor Joan Alarilla.

Nabatid na umaabot sa 50 unit ng video karera ang tumatakbo sa lungsod na sinasabing hindi magawan ng aksyon ng alkade rito, kung saan ilang taon nang namamayagpag mula pa nang nanungkulan ang dating punong bayan na si Mayor Eddie Alarilla.

Si Carlito rin umano ang trouble-shooter o namamagitan sa mga iligal na pasugalan para sa mga lokal na opisyal sa naturang siyudad.

Samantala, sa bayan ng Balagtas, namamayagpag din operasyon ng video karera ng magkapatid na “Eboy” at “Tony” kung saan 30 unit ng nasabing devil machine ang nakakalat dito.

Ang nabanggit na magkapatid umano ang siyang naghahari sa mga pasugalan tulad ng “sakla at bookies” sa iba pang bayan sa lalawigan.

Talamak din umano ang mga pergalan sa buong lalawigan lalo na’t paparating ang mga kapistahahan sa mga bayan ng Baliuag, Angat, Calumpit, Sta. Maria, Norzagaray, San Jose del Monte at Bocaue.

Dahil dito, agad ipinag-utos ni Bulacan Police Provincial Director Sr. Supt. Fernando Mendez, Jr. ang agarang aksyon at solusyon hinggil dito sa mga kapulisan, partikular na sa hepe ng pulisya na sumasakop sa mga nabanggit na bayan. (TONY DELA PEÑA)

Tags: ,
Balita

About the Author

has written 12690 stories on this site.

loading...

Leave a Reply

Your email address will not be published.