Ilang Mambabatas, Dismayado sa SONA ni PNoy

BUKOD SA puro listahan, dapat ginamit umano ni Pangulong Noynoy Aquino III ang kanyang ikaapat na State of the Nation Address (SONA) para ilahad ang mga patakaran para sa bansa.

Nagkakaisa na sinabi nina House Minority Leader Ronaldo Zamora at Leyte Rep. Ferdinand Romualdez na sana mas naging detal-yado umano ang Pangulong Aquino sa kanyang plano.

Aabangan umano nila sa mga darating na araw kung ano ang mangyayari sa mga pangako ng Pa-ngulo sa kanyang ginawang SONA.

Nanghinayang din si Sen. Cynthia Villar dahil hindi man lang daw nabanggit ang kapakanan ng mga OFW sa kanyang talumpati.

Para naman kay Sen. Bongbong Marcos, Jr., mas nakasentro ang Pangulo sa 2016 presidential elections dahil dalawang beses na pinasaringan ang kanyang yumaong ama at nagdaang administrasyon.

Samantala, masaya pero nakulangan daw sa SONA ni PNoy si Vice President Jejomar Binay.

Sinabi ni Binay na hindi umano sinabi ng Pangulo ang ginagawa ng gobyerno sa mga nagkakaproblemang OFW at ang pakinabang ng bansa sa kanila.

Maaalala na si Binay ang presidential adviser on OFW concerns na siyang nag-aasikaso sa mga suliranin ng mga manggagawang Pinoy sa ibang bansa.

Wala namang komento si dating pangulo at ngayon ay Manila Mayor Joseph Estrada sa nilalaman ng SONA ni Pangulong Aquino.

Sa katunayan, nagpasalamat si Mayor Estrada sa Pangulo dahil sa proyektong inilaan sa problema sa baha, hindi lamang sa Maynila kundi sa buong Metro Manila.

(MK Caguingin)

Comments are closed.