Ilang Kandidato, Sinita ng Comelec sa Illegal Posters

PATULOY ANG pagsita ng Commission on Elections (Comelec) sa mga kandidato sa pagka-senador at party-list groups na sumusuway sa mga patakaran sa campaign materials ngayong nalalapit na eleksyon.

Sinabi ni Comelec Chairman Sixto Brillantes na pinadalhan na ng notice sina Team PNoy candidate Senator Loren Legarda, United Nationalist Alliance (UNA) candidates Sen. Gringo Honasan at Rep. Jack Enrile; at independent candidate Bro. Eddie Villanueva para alisin ang mga illegal posters.

Muli namang pinagsabihan si Sen. Chiz Escudero ng Team PNoy dahil sa advertisements na nakakabit pa rin sa ilang taxi at public utility vehicles (PUVs).

Babala pa ni Brillantes sa mga operator ng sasakyang may ads ng senador, “Taxi operators carrying Sen. Escudero’s illegal ads will also be summoned; cancellation of franchise on the way.”

Tatlo naman na ang notices nina Sen. Antonio Trillanes at Bam Aquino ng Team PNoy dahil sa illegal posters.

Ang kapartido naman nilang si Risa Hontiveros ang may pinakamarami nang notice mula sa Comelec dahil sa apat na beses na paglabag.

Si Ting-Ting Cojuangco naman ng UNA ay nasita na rin dahil naman sa campaign material sa poste ng kuryente.

Aarangkada naman ngayong linggo ang imbestigasyon ng Comelec sa kabiguan umano ng Kabataan Party-List at Piston na alisin ang mga ilegal na poster sa kabila ng abiso.

Sinabi ni Brillantes na posibleng madagdagan pa ang listahan ng mga pa-saway na kandidato.

Samantala, paalala pa niya, hindi biro ang bantang diskwalipikasyon sa mga patuloy na lalabag sa mga regulasyon ngayong nalalapit na ang eleksyon.

(PARAZZI REPORTORIAL TEAM)

loading...

Leave a Reply

Your email address will not be published.