Ikaapat na SONA ni PNoy, Puno ng Pagmamalaki

HALOS TUMAGAL nang isang oras at apatnapu’t tatlong minuto ang ikaapat na State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Benigno ‘Noynoy’ Aquino III noong Lunes, simula nang manungkulan sa bansa. Isa sa mga ipinagpamalaki ng Pangulo ang aniya’y malaking pagbabag sa sistema ng edukasyon sa Pilipinas.

Sinabi nito na malaki ang natipid ng gobyerno sa pagbili ng mga bagong textbooks sa pag-upo ni Sec. Armin Luistro sa Department of Education.

Noon umano ay binibili ng pamahaalaan ang mga libro sa halagang P58 bawat isa gayong maari itong mabili sa P30. Bunsod aniya nito, umabot sa P2.8 bilyon ang naitabi ng DepEd, ani ng Pangulo.

Nangako rin ang Pangulong Aquino na mas maraming kababayan pa ang magtatamasa nang naabot na pag-unlad ng ekonomiya ng bansa, sa natitirang tatlong  taon ng kanyang termino.

Inanunsyo rin ng punong ehekutibo ang planong palawakin pa ang coverage ng Conditional Cash Transfer (CCT) program at ipupursige ang good governance at pagpapatupad ng “pro-poor programs” ng kanyang administrasyon.

Ipinagmalaki ng Pangulo ang mahigit 4-milyong benepisyaryo ng CCT program na malaking pag-angat umano kung ikumpara sa 700,000 noong 2010.

Tinukoy pa ni PNoy na target ng kanyang administrasyon na masakop na rin sa programa ang mga kabataan na may edad 15-18 taong gulang pagsapit ng 2014.

Ipinagmalaki rin niya ang 503,521 scholars ng Technical Education & Skills Development Authority (TESDA), kung saan 60 porsyento sa mga ito ay mayroon nang trabaho.

Nagpahiwatig na rin ang Pa-ngulo sa nakaambang pagtaas sa kontribusyon ng mga kasapi ng Social Security System (SSS) at umento sa singil sa pasahe sa Metro Rail Transit (MRT) at Light Rail Transit (LRT).

Base sa kaniyang talumpati sa joint session ng 16th Congress, sinabi niya na pinangangambahang maubos ang pondo ng SSS sa loob ng 28 taon kapag hindi nagkaroon ng reporma sa state-owned pension fund.

Ayon kay Pangulong Aquino, simula 1980, 21 beses na umanong nagkaroon ng across-the-board pension increase, subalit dalawang beses pa lamang umanong tumaas ang contribution rate.

Dahil dito, tinataya aniyang P1.1 trilyon ang “unfunded liability” ng ahensiya. Iminungkahi pa ng Pangulong Aquino ang 0.6-porsyentong increase sa kontribusyon ng mga kasapi.

Samantala, nagpasaring din ang punong ehekutibo sa posibleng pagtaas sa singil sa pasahe sa MRT at LRT.

Binanggit din sa kanyang SONA na sa kabuuang P40 na pasahe sa LRT, P25 dito ay pinapasan ng pamahalaan.

Isa rin sa nagmarka sa SONA ni PNoy ay ang ultimatum sa mga kawani at opisyal ng gobyerno na patuloy pa ring nalilihis ng landas at lantarang humihiwalay sa tuwid na daan ng kanyang administrasyon.

Kabilang dito ang nagbitiw na si dating Immigration Commissioner Ricardo David at sinibak na NIA chief Antonio Nangel.

Hindi rin pinalampas ng Pa-ngulo si Customs Commissioner Ruffy Biazon nang sabihing mistulang natutulog ang mga opisyal sa BoC dahil sa pamamayagpag ng mga smugglers.

Sinabi ng Pangulo na mistulang walang pakialam ang mga Customs official sa pagpuslit ng mga iligal na droga at armas sa bansa na magdudulot umano ng malaking pinsala lalo na sa mga kabataan.

Sa kanyang pananalita, kulang na lamang na sibakin ng Pangulong Aquino si Biazon sa kanyang mismong SONA.

“Para namang nakikipagtagisan sa kapalpakan itong Bureau of Customs. Imbes na maningil ng tamang buwis at pigilan ang kontrabando, parang walang pa-kundangan ang pagpapalusot nila ng kalakal, pati na ng ilegal na droga, armas, at iba pa sa ating teritoryo. Tinataya nga po ng Department of Finance na mahigit 200 billion pesos ang kita na dumudulas lang at hindi napupunta sa kaban ng bayan. Saan po kaya kumukuha ng kapal ng mukha ang mga kawani sa ahensyang ito? Kulang na lang ay sabihin ni-lang, ‘Wala akong pakialam kung mapunta sa masasamang loob ang armas; wala akong pakialam kung ilang buhay ang masira ng droga; wala akong pakialam kung habambuhay na matigang ang mga sakahan. Ang mahalaga, yumaman ako; bahala ka sa buhay mo’. Hindi maaaring ganito ang kalakaran sa pamahalaan. Kung hindi mo nagagawa ang iyong trabaho, hindi ka karapat-dapat na manatili sa puwesto,” ani PNoy.

Samantala, sa panghuli, hinimok ng Pangulo ang sambayanang Pinoy na muling magkapit-bisig para maipagpatuloy ang nasimulang pagbabago at asenso, “Ngayon, Pilipino, ituloy natin ang pagkakapit-bisig, sabay nating arugain, pabilisin, at palawakin ang transpormasyon ng lipunan. Ako po si Noynoy Aquino; ipinagmamalaki ko sa buong mundo: Pilipino ako. Napakasarap maging Pilipino sa panahong ito,” pagtatapos ni PNoy.

(MK Caguingin)

loading...

One thought on “Ikaapat na SONA ni PNoy, Puno ng Pagmamalaki

  1. The ones rated here, are the most delicate of all types of weather conditions.
    Consider the use of roof tiles in my roofing quad cities 25 year career in the roof line.
    The panels can be installed as a replacement roof for a retrofit application.

Leave a Reply

Your email address will not be published.