Ika-115 Anibersaryo ng Araw ng Kalayaan, Gugunitain Ngayong Araw.

SA TEMANG “Ambagan Tungo sa Malawakang Kaunlaran”, sama-samang gugunitain ng libu-libong Bulakenyo ang ika-115 Anibersaryo ng Proklamasyon ng Kalayaan ng Pilipinas ngayong araw, Hunyo 12, 2013, sa ganap na ika-8:00 ng umaga sa makasaysayang Simbahan ng Barasoain sa Malolos City, Bulacan.

Layon ng taunang selebrasyon na ipaalala ang kahalagahan ng mga makasaysayang pangyayari at lugar sa Pilipinas partikular na ang papel na ginampanan ng Simbahan ng Barasoain bi-lang isa sa mga lugar na may malaking ambag sa pagkamit ng kasarinlan ng mga Pilipino.

Sinabi ni Gob. Wilhelmino M. Sy-Alvarado na mas malaki ang magagawa at mapagtatagumpayan kung sama-samang kikilos ang bawat isa.

Aniya,“Hindi natin makakamit ang kalayaan kung hindi nagsama-sama at nagtulung-tulong ang ating mga dakilang bayani. Kung nagawa nila noon na labanan ang mga mananakop magagawa rin  natin ngayon na sama-samang labanan ang mga nagpapahirap sa lipunan, ang mga nagkukulong sa ating mga karapatan.”

Kasama ang iba pang mga opisyal ng lalawigan ang pagtataas ng watawat ng Pilipinas sa patio ng Simbahan ng Barasoain na susundan ng pag-aalay ng bulaklak sa rebulto ni Gen. Emilio Aguinaldo, ang kauna-unahang pangulo ng Republika ng Pilipinas.

Inaasahang dadalo sa pagtitipon si Executive Secretary Paquito Ochoa, Jr., bilang panauhing pandangal.

Katuwang  ang Pambansang Komisyong Pangkasaysayan ng Pilipinas sa pagsasakatuparan ng nasabing aktibidad sa paglaya ng Pilipinas sa Espanya noong 1898 na deklaradong National Holiday sa buong bansa.

 (TONY DELA PEÑA)

loading...

Leave a Reply

Your email address will not be published.