Iba Pang listahan ng ‘Team Patay’, Ilalabas

MAS MARAMI pang diocese ng Simbahang Katolika sa bansa ang planong maglabas ng listahan ng mga senatorial candidates na nabibilang sa ‘Team Patay’.

Kasunod ito nang paglalabas ng Diyosesis ng Bacolod ng listahan ng mga kandidato sa pagkasenador na sumuporta sa Reproductive Health (RH) Law bilang ‘Team Patay’ habang inendorso naman ang ‘Team Buhay’.

Sinabi ni Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP) Episcopal Commission on Family and Life Executive Secretary Fr. Melvin Castro na ang Archdiocese ng Lipa, Diocese ng Cubao at Diocese ng Tarlac ay balak na ring hikayatin ang mga nasasakupang botante na ibasura ang mga kandidatong “anti-life” dahil sa pagsuporta sa kontrobersyal na batas.

Kabilang naman sa mga kandidatong nasa ‘Team Patay’ ng Diocese ng Bacolod sina Cagayan Rep. Jack Enrile, dating Akbayan Rep. Risa Hontiveros, Bayan Muna Rep. Teddy Casiño, Edgardo “Sonny” Angara at Senador Francis “Chiz” Escudero, Loren Legarda at Alan Peter Cayetano.

Hinikayat din ng diyosesis ang mga botante na suportahan ang “pro-life” candidates na sina Sen. Antonio Trillanes IV, Koko Pimente, dating Las Piñas Rep. Cynthia Villar, Sen. Gringo Honasan, San Juan Rep. JV Ejercito, at Zambales Rep. Mitos Magsaysay.

Samantala, sumugod sa punong tanggapan ng CBCP sa Intramuros, Maynila kamakailan ang ilang militante upang ipaabot ang isang liham-panawagan na itigil na ng mga obispo ang pagpapaskil ng naturang  listahan sa mga simbahan.

Base sa dalawang pahinang sulat na naka-address kay CBCP President, Archbishop Jose Palma, iginiit ng mga lider ng iba’t ibang cause-oriented groups na labag sa Konstitusyon ang pagsawsaw sa pulitika ng Simbahan bagama’t kinikilala aniya nila ang freedom of expression ng mga diocese.

(PARAZZI REPORTORIAL TEAM)

loading...

Leave a Reply

Your email address will not be published.