Iba pang ‘impormante’ ng pork scam, pinalalantad na

HINIMOK NA rin ng Palasyo ang iba pang may nalalaman sa multi-milyong pisong pork barrel fund scam na isiwalat na rin ang kanilang mga hawak na impormasyon at ebidensiya.

Ito ay kasunod ng pagsalita ni former presidential social secretary Ruby Tuason.

Tiniyak naman ni Communications Sec. Herminio Coloma Jr. na nakahanda ang Department of Justice  (DOJ) na tanggapin ang anumang ebidensiya laban sa kaso at i-assess ang mga impormante  na maaaring isailalim sa Witness Protection Program ng gobyerno.

“Aalamin ng DOJ kung mayroong sapat na batayan upang bigyan din sila ng konsiderasyon na lumahok sa Witness Protection Program o ituring na saksi para sa pamahalaan (state witness), isasagawa ng DOJ ang mga nararapat na hakbang upang isulong ang pagpapatunay sa umano’y maling paggamit ng pondo ng bayan,” pahayag ni Coloma.

Si Tuazon ang sinasabing “conduit” nina Senador Juan Ponce-Enrile at Jinggoy Estrada kay Napoles na sinasabing utak ng naturang scam.

Umaasa rin umano ang pamahalaan na magsasalita na rin si Atty. Gigi Reyes, ang dating chief of staff ni Enrile.

Sinabi ni Coloma na malaking bagay ito sa pagkamit ng katarungan laban sa mga nagnakaw sa pera ng bayan.

“Bawa’t paglalahad ng impormasyon na may kinalalaman sa pagpapatunay sa umano’y maling paggamit ng pondo ng bayan ay inaasahang makatulong sa paghahanap sa katotohanan at pagkamit ng katarungan,” dagdag pa ni Coloma.

(PARAZZI REPORTORIAL TEAM)

loading...

Leave a Reply

Your email address will not be published.