HUWAG MAGPADEHADO SA KONTRATA

AKO PO AY nire-recruit para magtrabaho sa isang bansa sa Middle East. Ipinakita po sa akin ang kontrata at mukhang maayos naman maliban sa ilang bagay na may kinalaman sa sahod at iba pang benepisyo. Medyo mababa ang bigayan. Mas mababa pa sa minimum wage ng bansang pagtatrabahuhan ko. Sabi sa akin ng recruiter, magtiyaga-tiyaga na lang muna ako at pagre-renew ng kontrata ay gaganda na ang mga kundisyones ng aking employment. Kakagatin ko po ba ang kontratang ito?

—Digo ng Labo, Camarines Norte.

NASA SA IYO ANG desisyon. Pero ipapayo ko sa iyo na hindi tama ang nilalaman ng contract of employment mo. Ayon sa ating batas, ang mga terms and conditions na nakasaad sa kontrata ng OFW ay ‘di dapat bababa pa sa mga benepisyong isinasaad sa batas ng bansang pagtatrabahuhan. At hindi rin ito dapat bababa pa sa mga itinatakda ng mga Labor Law natin dito sa Pilipinas. Kung ano ang mas mataas na pasahod, sa Pilipinas o sa ibang bansa, ay iyon ang susundin. Ang sahod ay maaari pang tumaas ngunit ‘di na maaaring bumaba.

Liban pa sa sahod, narito pa ang ilan sa dapat lamanin ng kontrata:

• Libreng transportasyon mula at pabalik sa trabaho o katumbas na benepisyo;

• Libreng pagkain o tirahan;

• Pagkakaroon ng proseso para sa pagtatanggal o firing ng isang manggagawa. Dapat ay mayroong “just cause” o “authorized cause” bago tanggalin ang isang manggagawa. Dito’y isasaalang-alang ang mga batas, tradisyon, o kaugalian sa host country;

• Dapat ding isaalang-alang ang mga nilalaman ng mga bilateral labor agreement at iba pang kasunduan sa pagitan ng Pilipinas at ng host country;

• Dapat ding ihayag ng agency sa OFW ang iba pang impormasyon sa magiging uri ng trabaho na gagawin ng OFW sa bansang kanyang pupuntahan.

LIBRENG PAYO! I-TEXT N’YO AT SASAGUTIN KO!

Maaari n’yo ring i-text ang inyong mga katanungan na may kinalaman sa OFW o iba pang usaping legal sa: PM <space> saklolaw <space> ang inyong katanungan at i-send sa 2948 (for Globe, Smart and Sun users)

O kaya’y mag-e-mail sa omecandazo@yahoo.com

loading...

Leave a Reply

Your email address will not be published.