Hustisya, hindi pulitika – Berberabe

SINABI NG Presidente ng Pag-IBIG Fund na si Atty. Darlene Marie Berberabe na hindi pulitika, kundi hustisya para sa mga nabiktima ng Globe Asiatique scam ang dahilan ng mga kasong kinakaharap ngayon ni Delfin Lee at kanyang mga kasabwat.

“Inumpisahang imbistigahan ang kaso laban kay Delfin Lee noong kalagitnaan pa ng taong 2010, bago pa man nagkaroon ng mga usaping pulitika para sa 2016,” sabi ni Berberabe.

Ipinaliwanag din ni Berberabe na ang resulta ng kanilang isinagawang im-bestigasyon na nagpapatunay ng panlilinlang ni Lee at ng kanyang grupo sa Pag-IBIG Fund at mga miyembro nito ay sinang-ayunan ng ibang ahensya ng gobyerno, kasama na ang Department of Justice at Commission on Audit, base sa kanilang ginawang sariling imbistigasyon ukol sa scam.

Lumabas kamakailan sa mga balita ang pahayag ng mga abogado ni Lee na pulitika ang dahilan sa pag-uusig sa kanilang kliyente dahil sa mismong siya ang umamin na may kaugnayan si Lee kay Secretary Mar Roxas ng Department of the Interior and Local Government. Sinabi rin ni Lee na walang basehan ang kasong syndicated estafa na isinampa laban sa kanila.

Ngunit ang mga paratang na ito ay taliwas sa mga pangyayari. “Iisa lang po ang sinasabi sa mga isinagawang magkakahiwalay na imbistigasyon ng iba’t ibang ahensya ng gobyerno patungkol sa mga transaksyon ni Delfin Lee sa Pag-IBIG Fund at ito po ay ang panlilinlang niya sa ahensya at sa mga Pag-IBIG members, na kanyang ginawa sa tulong ng grupo niya,” ani Berberabe.

Sinabi rin ni Berberabe na ang Regional Trial Court ay nakakita ng “probable cause” sa mga kasong isinampa laban kay Delfin Lee at grupo nito. Pati ang Supreme Court ay nag-issue ng Temporary Restraining Order sa pagpapatupad ng mga Order ng Court of Appeals na pumapabor kay Lee.

“Lahat ng imbestigasyon at ebidensya ay nagtuturo sa panloloko at pandaraya ng grupo ni Delfin Lee sa Pag-IBIG Fund at Pag-IBIG members, at kami sa Pag-IBIG Fund ay ipinaglalaban lamang kung ano ang tama. Buong tatag naming sasagutin ang lahat ng mga sinasabi ng kampo ni Lee at kami’y naniniwala na mananaig ang hustisya at katotohanan sa bandang huli,” dagdag pa niya.

 

loading...

Leave a Reply

Your email address will not be published.