Huling nakikipag-text sa ibang babae
Lalaki, Sinaksak ng Boteng Basag ng Ka-Live-In

NASA MALUBHANG kalagayan sa pagamutan ang isang lalaki makaraang pagsasaksakin ng boteng basag ng kanyang live-in partner matapos na mahuli nito ang kanyang kinakasama na nakikipag-text sa ibang babae sa loob ng kanilang bahay sa Caloocan City kahapon ng madaling-araw.

Si Minard Gonzales, 24, residente ng Barangay 122, Bagong Silang ng nabanggit na lungsod ay ino-obserbahan ngayon sa Pres. Diosdado Macapagal Memorial Medical Center sanhi ng mga tama ng saksak sa katawan.

Nahaharap naman sa kasong frustrated homicide ang kinakasama ng biktima na si Aurelia Galfo, 26, na residente rin ng nasabing lugar.

Base sa ulat ng Caloocan PNP, dakong alas-3:20 ng madaling-araw nang maganap ang nasabing pananaksak sa loob ng kanilang silid sa nabanggit na lugar.

Nabatid na bago umano maganap ang insidente, umuwi ang biktima sa kanilang bahay na lasing sa alak at nagsimula umanong makipag-text sa isang hindi nakilalang babae.

Nakita ng babae ang ginagawang pakikipag-text ng una sa ibang babae kung kaya’t nagalit ito at pagsabihan umano ang biktima ng mga hindi magagandang pananalita.

Habang pinagsasabihan ng babae ang biktima ay bigla umanong naburyong ang lalaki dahilan upang bugbugin at iuntog pa ang ulo ng babae sa dingding ng kanilang bahay at habang nagaganap ang bugbugan ay nakadampot ng bote ang babae, binasag ito at isinaksak ng ilang ulit sa katawan ng kanyang kinakasama.

Nang makita ng suspek na naliligo sa sariling dugo ang biktima ay mabilis nitong dinala ang lalaki sa nasabing pagamutan kung saan ay nasa kritikal pang kalagayan.

Kusa namang sumuko sa mga awtoridad ang suspek kung saan ito ngayon ay nakapiit sa detention cell ng nasabing himpilan ng pulisya.

(ROMAN MAGPOC)

loading...

Leave a Reply

Your email address will not be published.