Hubo’t hubad sa kanilang kuwarto
Misis at kalaguyo, huli sa akto ni mister

SWAK SA loob ng piitan ang isang misis kasama ang kanyang kalaguyo matapos na maaktuhan ang mga ito ng mister ng babae na hubo’t hubad sa sariling silid ng mag-asawa kahapon ng madaling-araw sa Caloocan City.

Ang babae na nakapiit ngayon sa detention cell ng Caloocan City Police ay itinago sa pangalang Eba, 33 anyos, ng Barangay 127 ng nabanggit na lungsod.

Kasamang nakakulong ng nasabing babae si Jipzi Delfin, 31 anyos, driver ng # 632 Tagaytay St., Barangay 127, Caloocan City.

Ayon sa asawa ni Eba na si Adan, 33, palagi niyang nakikitang namamasayal sa Baywalk, Manila ang kanyang asawa at kalaguyo nito na nagyayakapan at magkahawak pa ang kamay.

Aniya, kahit sobrang nadudurog ang kanyang pagkalalaki ay pinasya niyang huwag munang kumprontahin ang kanyang asawa at karelasyon nito, kahit pa nakikita niya ang sariling sasakyan na ginagamit ng dalawa sa kanilang kataksilan.

Kahapon ng madaling-araw, nakita ng mister ang magkalaguyo na magkasamang dumating sa sarili niyang tahanan dahilan upang hindi mag-aksaya ng panahon si Adan at humingi ng tulong sa barangay na agad ding nirespondehan nina Barangay Ex-O Ronaldo Sisio, B/T Rosalinda Francisco at B/T Cecilia Cahilig.

Dahil sarado ang buong bahay at nasa loob na ang kanyang asawa at ka-relasyon nito, umakyat na lamang sa bintana ang mister at doon niya binuksan ang pinto sa harapan upang makapasok na ang mga awtoridad.

Agad tinungo ni mister ang kanilang kuwarto at nang mabuksan ay sumambulat sa kanya ang kanyang asawa at karelasyon nito na walang kadamit-damit.

Sobrang galit ang naramdaman ni Adan nang makitan nito ang kanyang asawa at karelasyon nito sa ganoong tanawin, kaya bigla nitong sinakyan ang kanyang asawa sa likod at pinagsusuntok ito.

Doon na tuluyang nagdilim ang paningin ng mister sa kanyang nakita, kaya nang makakita ito ng bote ay kanyang dinampot at ipinalo sa nakahubad at nakahilatang karelasyon ng kanyang asawa sa sarili nilang kama.

Mabilis namang inawat ng mga rumespondeng tanod si Adan habang ang magkalaguyo ay inimbitahan sa kanilang himpilan. Sumama naman nang matiwasay ang dalawa kasama rin si Adan.

Sa kasalukuyang nasa kustodiya ng Caloocan City Police ang magkalaguyo at nahaharap sa kasong Adultery, kung saan mayroong P12,000 ang piyansa sa bawat isa.

(ROMAN MAGPOC)

Comments are closed.