House bill na pabor sa plastik, isinulong sa Kongreso

NAGHAIN SA KONGRESO ng House Bill si Caloocan City 1st District Cong. Oca Malapitan para kontrahin ang isinusulong ng ilang lokal na pamahalaan na plastic ban o pagbabawal sa paggamit ng plastic bag sa mga shopping mall sa Metro Manila.

Sa iniharap niyang House Bill No. 4055, sinusuportahan ni Malapitan ang hakbangin ng mga nasa industriya ng plastik na huwag tuluyang alisin o ipagbawal ang paggamit ng mga plastic bag sa mga commercial establishments.

“Bakit ayaw nila sa plastic eh, mas malaki ang tulong nito sa mga mamimili? ‘Pag umuulan, hindi ito basta masisira, p’wede pang mai-recycle ng hanggang 30 o 45 araw, kumporme sa dami ng oxo-biodegradable additives na ihahalo sa gagawing plastic. Samantalang ang mga gusto nilang ipalit na paper bags, ‘pag nabasa, kawawa ang mga mamimili,” ani Malapitan.

Kinontra rin ng kongresista ang sentimyento ng ilang environmental groups na nagdudulot ng sakit na kanser at problema sa baha ang hatid ng mga plastic dahil nagpapabara ito sa mga kanal o estero.

“Wala namang scientific o medical studies na nagsasabing nagdudulot na kanser sa tao ang plastic. Natutunaw at nare-recycle na ang mga plastic at ito ay pinatunayan mismo ng Department of Science and Technology (DOST). Samantalang ang mga paper bag na yari sa kahoy ang siya pa ngang may peligrong magdulot sa atin ng polusyon dahil hindi ito natutunaw,” dagdag ng mambabatas.

Naniniwala si Malapitan na kulang lang sa impormasyon ang publiko kung kaya’t nae-engganyo silang ipagpalit ang paper bag sa plastic bag.

Nangangamba rin si Malapitan na lolobo ang problema ng bansa sa employment ng hanggang 300,000 kapag tuluyang naipatupad ang plastic ban.

Umaabot ng mula 60 hanggang 80 porsyento ng mga plastic company ang naka-base sa Camanava area.

(ROMAN MAGPOC)

Pinoy Parazzi News Service

Tags: ,
Balita

About the Author

has written 12690 stories on this site.

loading...

Leave a Reply

Your email address will not be published.