Hostage-taking sa rural bank sa Bacoor 4 na suspek, sumuko matapos ang mahigit 3 oras

SUMUKO NA ANG apat na mga hostage-taker makalipas ang mahigit tatlong oras na hostage drama sa Maswerte Rural Bank sa National Highway, Brgy. Kalinisan, Zapote, Bacoor, Cavite na nagsimula alas-12:30 ng tanghali kahapon.

Ligtas ding pinalaya ang walong mga biktima. Lumabas ang mga suspek na nakataas ang mga kamay at iniwan ang mga baril sa loob ng nasabing bangko.

Agad namang isinakay sa naghihintay na ambulansya ang mga holdaper. Idiniretso ang mga ito sa Cavite provincial office sa Imus para sa kaukulang pagsisiyasat.

Una rito, kinilala ni Cavite PNP provincial director C/Insp. John Bulalacao ang unang hostage victim na pinakawalan na si Nilo Gonzalez, isang bookkeeper na isinailalim na rin sa medical examination.

Nagtayo rin ang PNP ng local crisis committee sa pangunguna ni Bulalacao at ni Bacoor Mayor Strike Revilla para makipagnegosasyon sa mga hostage-taker.

Pinagbigyan ng komite ang ilan sa hiling ng mga suspek tulad ng makausap ang ilang media bilang bahagi ng kanilang demand, ayon kay Revilla.

Idineklara ng mga awtoridad na walang nasaktan, nasawi at wala ring nawala sa niloobang bangko. (PARAZZI REPORTORIAL TEAM)

Pinoy Parazzi News Service

Tags: ,
Balita

About the Author

has written 12690 stories on this site.

loading...

Leave a Reply

Your email address will not be published.