Honest Culture sa NAIA, Ikinatuwa ng MIAA

IKINATUWA NG pamunuan ng Manila International Airport Authority (MIAA) ang pagkalat ng “kultura ng katapatan” o “honest culture” sa mga airport matapos ang sunud-sunod na pagsasauli ng pera ng kanilang mga empleyado na aabot sa halos P500,000.

Maaalalang pinarangalan kamakailan ng MIAA ang limang empleyado nila na nagsauli ng mga napulot na pera sa airport. Ito’y sina Ronnie Oquendo, isang janitor na nagsauli ng P96,000 na naiwan sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal 2; messenger-janitor na si Richard Baybayon na nagsauli ng P175,000 sa NAIA Terminal 1; janitor Rodelyn dela Vega na nagsauli ng P150,000 sa NAIA Terminal 3; at mga service crew na sina Rolly Absentillas at Mark Joven Aquino, na nagsauli naman ng P65,000 sa NAIA 2.

Ayon kay MIAA General Manager Jose Angel Honrado, hindi lang sa kanilang tanggapan nakapagbibigay ng karangalan ang kabutihan na ginawa ng lima kundi sa buong bansa na rin.

Samantala, bukod sa plake at pagkilala, sinabi ni Honrado na sa oras na magkaroon ng mga bakanteng plantilla sa MIAA ay magi-ging prayoridad ang mga tapat na empleyado.

Umaasa rin si Honrado na kakalat pa sa mas maraming Pilipino ang halimbawang ipinakita ng mga empleyado ng MIAA.

(PARAZZI REPORTORIAL TEAM)

loading...

Leave a Reply

Your email address will not be published.