Holdaper, todas sa shootout

PATAY ANG ISANG holdaper matapos itong makipagbarilan sa mga rumespondeng pulis habang nakatakas naman ang kasama nito nang holdapin ng mga ito ang isang negosyante at tricycle driver sa Caloocan City kahapon ng madaling-araw.

Hindi na umabot ng buhay sa Dr. Jose Rodriguez Hospital sanhi ng tinamong tama ng bala ng .9mm caliber pistol sa katawan ang suspek na si Charlie Jiojan, 23, ng Phase 7A, Package 1, Excess Lot, Bgy. 176, Bagong Silang ng nasabing lungsod.

Nagsasagawa ng masusing imbestigasyon ang mga awtoridad upang matukoy ang pagkakakilanlan ng kasama ng suspek na nakatakas sa gitna ng putukan.

Nasa ligtas namang kalagayan ang mga biktimang sina Irish Gonzales, 27-taong gulang, negosyante at si Benjie Ong, 20, kapwa naninirahan sa Tabon, Tala, Brgy. 185, Caloocan City.

Sa ulat na nakalap sa Station Investigation Division (SID) ng Caloocan City Police, naganap ang insidente dakong 1:30 ng madaling araw sa kahabaan ng Phase 7A, Brgy. 176, Bagong Silang.

Ayon sa ulat ng pulisya, kasalukuyang naglalakad ang mga biktima sa naturang lugar nang bigla na lamang harangin ang mga ito ng dalawang lalaki na armado ng baril at agad na nagdeklara ng holdap.

Sapilitang kinuha ng mga suspek ang pera ni Gonzales na aabot sa halagang P15,000 habang hindi rin pinatawad ng mga ito ang cellphone ng kanilang mga naging biktima.

Matapos ito, agad na nagsitakas ang mga suspek habang nagtungo naman ang mga biktima sa himpilan ng pulisya na mabilis na nagsagawa ng follow-up operation hanggang sa makita ng mga ito ang dalawang holdaper, na ikinasawi ni Jiojan.     (MARY H. SAPICO)

Pinoy Parazzi News Service

Tags: ,
Balita

About the Author

has written 12690 stories on this site.

loading...

Leave a Reply

Your email address will not be published.