Holdaper, Patay sa Shootout;1 pa, Sugatan

NAKIPAGPALITAN NG putok sa mga rumespondeng miyembro ng Manila Police District-Station 9 ang dalawang hinihinalang holdaper na ikinasawi ng isa at ikinasugat ng kasama nito sa Malate, Maynila, kama¬kailan.

Dead-on-the-spot ang salarin na kinilalang si Jimboy Abadami, ng Sta. Barbara, Zamboanga City, habang nakaratay sa Ospital ng Maynila ang kasamahan nitong si Lando Lim, 29, ng Malate, Maynila.

Isa pang kasamahan ng mga salarin ang tinutugis matapos na tumakas habang nagaganap ang engkuwentro.

Lumalabas sa report ni SPO2 Ramir Dimagiba ng MPD-Homicide Section, dakong alas-7:43 ng gabi nang maganap ang insidente malapit sa Paraiso ng Batang Maynila sa Quirino Avenue, Malate, Maynila.

Bago ang nasabing insidente, dumulog sa MPD-Station 9  ang isang Marvin Blando, 36, binata ng Leveriza, Pasay City kaugnay sa panghoholdap sa kanya ng tatlong lalaki kung saan natangay ang kanyang silver necklace (P1,500); cellphone (P9,000) at P1,500 cash.

Sinamahan umano nina SPO1 Luis Rufo at PO1 Paul Bermudez, kapwa nakatalaga sa MPD-Station 9 ang biktima sa lugar kung saan siya hinoldap at pagdating malapit sa Paraiso ng Batang Maynila, nakita at itinuro ni Blando ang mga nangholdap sa kanya habang naglalakad.

Palapit pa lamang ang mga awtoridad sa mga suspek nang nagtakbuhan ang mga ito sabay nagpaputok ng baril kaya gumanti na rin ng putok ang mga kagawad ng pulisya na nagresulta sa agarang kamatayan ni Abadami habang sa hita naman ang tama ni Lim.

Samantala, nakuha sa pag-iingat ni Abadami ang isang kalibre 22 at narekober din sa mga salarin ang mga natangay mula sa biktima.

(PARAZZI REPORTORIAL TEAM)

loading...

Leave a Reply

Your email address will not be published.