Holdaper, Patay sa Kuyog ng Taumbayanx

PATAY ANG isang hinihinalang holdaper makaraang kuyugin at saksakin pa ng galit na taumbayan matapos mambiktima sa mga pasahero ng isang bus, kamakailan sa Pasay City.

Wala nang buhay na nang idating sa Pasay City General Hospital ang salarin na nakilalang si Ariel Chentes, 38, ng 34 Block 17 Saint Cecille St., Maricaban, Pasay sanhi ng mga tinamong saksak sa katawan.

Nadakip naman ang hinihinalang kasamahan ni Chentes na si Bernardo Ylanan, 54, ng Pio del Pilar, Makati City.

Tumanggi ito sa akusasyon at sinabing pasahero rin siya ng bus na naholdap at kasama sa humabol sa mga totoong holdaper.

Sugatan naman ang traffic enforcer na si Darvin Pasilona, 33, kasapi ng Pasay Traffic Management Office, makaraang tamaan ng bala sa kaliwang kamay nang mamaril ang mga holdaper.

Base sa report ng Pasay City Police, dakong alas-7:30 kamakailan nang magdeklara ng holdap si Chentes at isa pang kasamahan na kapwa armado ng baril sa loob ng Gasat/Valino Express bus sa kahabaan ng EDSA.

Nilimas ng mga salarin ang pera at iba pang mahahalagang gamit ng mga pasahero bago tumakas sa may Malibay.

Agad namang nakahingi ng saklolo ang mga pasahero kabilang na si Gen Aves, 21, sa mga traffic enforcers sa lugar kaya nagkaroon ng habulan.

Tumulong naman sa paghabol ang iba pang lalaki sa lugar kaya nagpaputok ang mga holdaper.

Samantala, minalas na inabutan ng mga galit na taumbayanan ang holdaper kung saan pinagtulungan na itong gulpihin habang inaalam pa ng mga kinauukulan kung sino ang nanaksak dito.

(PARAZZI REPORTORIAL TEAM)

loading...

Leave a Reply

Your email address will not be published.