Holdaper at biktima, nagsaksakan, kapwa kritikal

KAPWA KRITIKAL ANG isang taxi driver at isang holdaper matapos magbuno nang biktimahin ng huli ang una sa Malabon City kahapon ng umaga.

Inoobserbahan sa Jose Reyes Memorial Medical Center sanhi ng mga saksak sa katawan ang biktimang si Nelson Lamuste, 40 ng Phase 2, Bagong Silang, Caloocan City.

Ginagamot din sa nasabing ospital sanhi rin ng mga saksak sa katawan ang suspek na si Mateo Aguilar, 21 ng Sitio 6, Catmon ng lungsod.

Base sa ulat, ala-1 ng umaga, naisakay ng biktima sa pinapasadang taxi (TXN-283) ang suspek sa UP Diliman at nagpahatid sa Malabon City.

Pagsapit sa Sarmiento St., Tinajeros ng lungsod at naglabas ng balisong ang suspek at hinoldap si Lamuste.

Pumalag ang biktima na naging dahilan upang pagsasaksakin ng suspek subalit kahit sugatan ay nagawang maagaw ni Lamuste ang balisong at ginantihan ng mga saksak si Aguilar.

Ilang mga tambay ang nakakita sa pangyayari na agad na nagsitulong at dinala sa JRMMC ang biktima at ang suspek.

(MARY H. SAPICO)

Pinoy Parazzi News Service

Tags: ,
Balita

About the Author

has written 12690 stories on this site.

loading...

Leave a Reply

Your email address will not be published.