Hitman, itinumba ng partisano

MULING INAKO ng Partisano (armadong operatiba ng Partido Marxista-Leninista ng Pilipinas) ang paglikida sa isang hired killer at tauhan umano ng isang pulitiko kamakalawa ng hapon sa isang half-court sa Malabon City.

Kinilala ni Malabon Chief of Police P/Senior Supt. Ferdinand Ampil ang biktimang si Reynado Villarosa, alyas “Boy Laki”, 60 anyos, at residente ng Chico Road, Potrero, Malabon.

Base sa ulat ni PO3 Rommel Habig, imbesatigador ng Malabon City Police Station Investigation and Detectived Management Branch, bandang alas-5:30 ng hapon nang maganap ang nasabing pagpatay sa half-court na matatagpuan sa Chico Road.

Lumalabas sa imbestigasyon na nakatayo ang biktima sa nasabing half court nang biglang duma-ting ang tatlong suspek na pawang armado ng baril at isa sa mga ito ay walang sabi-sabing pinutukan ng isang beses ang una sa ulo gamit ang kalibre .45 kalibre na baril.

Bago umalis ang mga suspek, nag-iwan ang mga ito ng kalatas na nagsasaad ng mga katagang “Marami ka nang pinatay, kaya hinatulan ka na ring mamatay.”

Sa e-mail na natanggap ng Pinoy Parazzi, sinabi ng Partisano na hindi palalampasin ng kanilang ope-ratiba ang mga gawain ni “Boy Laki” may eleksiyon man o wala “na para sa kanya ay libre lang ang pumatay”.

Ayon pa sa e-mail ng Partisano, “Ang pang-aapi, laluna ang pagpatay sa mga ordinaryong tao at pagpapagamit sa bulok na trapo para supilin ang aspirasyon ng masang proletaryo na magpahayag sa pamamagitan ng malayang pagboto—ay isang mala-king kasalanan.”

Sinabi ng grupo na mahigit dalawang dekada nang kinatatakutan ang patuloy na paghahasik ng kasamaan ni “Boy Laki” “tulad ng pagpatay at pananakot gamit ang koneksyon sa mga maimpluwensyang tao sa Malabon. Isang bayarang kriminal ng mga trapong pulitiko na umuupa sa kanya, manedyer at protektor ng mga iligal na pasugalan at bentahan ng droga.”

Iniisa-isa sa e-mail ng Partisano ang mga kasalanan umano ni “Boy Laki”.

“Hindi na mabilang ang mga ordinaryong taong pinatay ni Boy Villarosa alyas “Boy Laki”. Hindi makakalimutan ng mamamayan ang isang batang paslit ang nadamay sa kamatayan dahil sa walang awang pinagbabaril hanggang sa mapatay ang isang tambay sa komunindad na simpleng nakaalitan nya lang sa huntahan. Walang awa ring pinatay ng taong ito ang isang pobreng security guard na ginampanan lang ang trabaho bilang manggagawa.”

“Makailang ulit na ring nakulong sa bilangguan si Boy Laki ngunit para lamang itong namamahinga at nagbabakasyon sa loob ng piitan dahil siya ay palaging VIP treatment. Natimbog na rin ito ng N.B.I. Subalit, di nagtagal ay nakalaya agad matapos saluhin ng maimpluwensyang pulitiko. Ganito kalakas si “Boy Laki” – bilang alagang kriminal.”

“Lalong mas nakakatakot  ang taong ito sa kasalukuyang may eleksyon dahil ito ang contractor at instrumento ng mga trapong politiko sa pandaraya, pandaras at pananakot sa  katunggali ng kanyang amo.”

Nagbigay din ng babala ang grupo sa mga taong may katulad na gawain ni “Boy Laki”.

“Dahil dito, binibigyan namin ng mahigpit na babala! Ang sinumang katulad at tutulad kay “Boy Laki”. Ang PARTISANO ay mananatiling nakamasid sa inyong mga aktibidad at sa sandaling masipat kayo na nagpapagamit—ay hindi kami mag-aatubili  na gawaran din kayo ng parusang  Capital Punishment katulad ni Boy Laki at sa ginawang asasinasyon ng aming operatiba kamakailan lamang  kay  Punong Barangay Ronaldo Legaspi o Kap Pogi ng Barangay Liputan, Meycauayan,Bulacan.”

Sa kasalukuyan, patuloy namang nagsasagawa ng imbestigasyon ang nasabing himpilan ng pulisya kaugnay ng nasabing pagpatay.

(ROMAN MAGPOC)

loading...

Leave a Reply

Your email address will not be published.