Hit and Run sa Cagayan: 2 Patay; 5 Sugatan

PATULOY ANG pagsisiyasat ng mga kinauukulan sa nangyaring vehicular accident na ikinasawi ng dalawang katao at ikinasugat ng limang iba pa sa bahagi ng Pengue Ruyu, Tuguegarao City.

Nakilala ang mga nasawi na sina Reymar Agbisit, isang security guard at Jomer Fiesta, salesboy na kapwa residente ng Brgy. Maraburab, Alcala, Cagayan, habang ang mga sugatan naman na nilapatan ng lunas sa isang ospital sa lungsod ay sina Samson Bisquera, 34, sales representative ng Brgy. Centro, Amulung, Cagayan; Efren Martines, 21, ng Gattaran at Lancel Sumauang, 18, ng bayan ng Lal-lo; Tomas Cabasag, 20, ng Bolinao, Sto. Thomas, Isabela at Elimar Ruiz, 23, ng Brgy. Manalo, Amulung, Cagayan.

Base sa impormasyon ng mga awtoridad, lulan sa tatlong motorsiklo ang mga biktima nang salpukin sila ng hindi pa matukoy na uri ng sasakyan sa madilim na bahagi ng kalsada sa Brgy. Pengue Ruyu kamakailan.

Ayon sa salaysay ng nakaligtas na si Bisquera tinakbuhan sila ng sasakyan na nakabunggo sa kanila matapos silang tumilapon sa gilid ng kongkretong lansangan.

Nagtamo ng matinding sugat sa ulo at katawan sina Agbisit at Fiesta dahil sa pagkabagok sa semento na sanhi ng kanilang agarang kamatayan.

Nabigo naman ang mga biktima na makuha ang plaka ng sasakyan.

Narekober din sa lugar ang ilang bahagi ng bumper ng sasakyan na natanggal nang salpukin ang sinusundang motorsiklo ng mga biktima.

Matulin umano ang takbo ng sasakyan nang mangyari ang aksidente.

Samantala, nanawagan naman si C/Insp. Erick Gumarang, OIC chief of police ng PNP Tuguegarao sa mga nakakita sa insidente na makipagtulu-ngan sa mga kinauukulan upang mabigyan ng katarungan ang sinapit ng mga biktima lalo na sa mga nasawi.

(PARAZZI REPORTORIAL TEAM)

loading...

Leave a Reply

Your email address will not be published.