Hirit ng UP Faculty: 2 Opisyal, Mag-Resign

INIHIRIT NG faculty ng Behavioral Sciences Department ng University of the Philippines (UP) Manila ang pagre-resign ng chancellor at vice-chancellor ng naturang unibersidad.

Sa harap ito ng pagpapakamatay ng isang UP student na isinisisi sa kabiguang makabayad ng matrikula.

Sinabi ni Dr. Nemia Simbulan na ang tuition policy na umano’y ugat ng pagpapatiwakal ni Kristel Tejada ay nakapaloob sa memorandum na ipinalabas ng mga opisyal ng UP-Manila na nag-aatas sa mga dean at sa university registrar.

Nakasaad doon na sinumang estudyanteng hindi makapagbabayad ng tuition hanggang Agosto 12 ng school year ay hindi ikukunsiderang enrolled.

Inamin din ni Simbulan na wala namang iregular sa memo dahil pag-uulit lang ito ng existing policy ng unibersidad.

Gayunman, napakahigpit aniya ng kautusang ito gayong iilan lang naman ang mga estudyanteng hindi talaga nakababayad ng tuition sa tamang oras.

Sa mga nakaraang pamunuan aniya, maluwag ang mga ito sa mga estudyanteng hindi umaabot ng deadline.

Ayon pa rin kay Simbulan, hindi tumatanggap ng installment na bayad sa UP-Manila.

Dahil dito, nais ng grupo ng mga guro at staff ng nasabing departamento na magbitiw sina UP-Manila Chancellor Manuel Agulto at Vice Chancellor Dr. Marie Josephine De Luna na siyang nagpalabas ng memo.

Inamin naman ni Simbulan na hindi ang pagbibitiw ng dalawang opisyal ang sagot sa problema sa Socialized Tuition Fee and Financial Assistance Program (STFAP) ng unibersidad, pero patuloy nilang iginigiit na magkaroon ng pagbabago sa sistema nito.

Samantala, una nang nangako si UP President Alfredo Pascual na magkakaroon na ng reporma sa STFAP kung saan tatlong punto ang nais siyang tutukan: ang pagpapasimple ng bracketting system, pag-streamline sa application process at pagpapataas ng benepisyong makukuha ng bawat iskolar ng bayan.

(PARAZZI REPORTORIAL TEAM)

loading...

One thought on “Hirit ng UP Faculty: 2 Opisyal, Mag-Resign

Leave a Reply

Your email address will not be published.