Hinihinalang biktima ni Mina Bangkay ng lalaki, lumutang sa ilog

BAGO PA MAN tuluyang lumabas ng bansa ang bagyong Mina, nakapag-iwan pa ito ng isang lalaking patay matapos na malunod sa kasagsagan ng panana-lanta ng ulan sa Valenzuela City kamakalawa ng hapon.

Ang biktima na hanggang sa kasalukuyan ay hindi pa rin natutukoy ang pagkakakilanlan ay inilarawan lamang ng pulisya na nasa pagitan ng 35-40 anyos, nakasuot ng T-shirt, at boxer short na may tatak na ‘naughty and nice’.

Sa nakalap na impormasyon sa Station Investigation Division (SID) ng Valenzuela City Police, dakong ala-1:30 ng hapon nang matagpuan ang biktima na lumulutang sa maruming ilog ng Tullahan sa Pinalagad ng nasabing lungsod.

Ayon sa naging salaysay ng saksing si Elizalde Delovino, kasalukuyan itong naglalakad sa tabi ng ilog nang makita ang bangkay ng biktima na lumulutang habang walang buhay.

Agad nitong ipinaalam sa mga barangay tanod ang natagpuang bangkay at matapos ang ilang oras na pagkuha sa biktima ay naihango din ito sa maru-ming ilog sa tulong na rin ng rescue team ng Valenzuela City.

Lumalabas pa sa inisyal na imbestigasyon na walang nakitang anumang sugat sa katawan ng biktima kaya’t pinaniniwalaang naging biktima ito ng bagyong Mina.

Ipinapalagay rin ng mga awtoridad na sa ibang lugar nalunod ang biktima at tinangay lamang ng malakas na agos sa naturang lugar.   (MARY H. SAPICO)

Pinoy Parazzi News Service

Tags: ,
Balita

About the Author

has written 12690 stories on this site.

loading...

Leave a Reply

Your email address will not be published.