Hindi sinipot ang birthday party ng mga anak
Paolo Contis, umiiwas sa mga magulang ni Lian Paz?!

MARAMI ANG nagulat sa isang kuwentong inilabas namin sa Startalk, tungkol kay Gary Lising na naghihirap na raw.

Hindi naman itinatanggi ni Gary na naghihirap na ito magmula nu’ng na-andioplasty siya ilang taon na ang nakararaan.

Pagkatapos daw ng operasyon na ‘yun, pagkalipas lang ng isang taon, inoperahan naman daw siya sa eye cataract. Kaya nagkahirap-hirap na ito dahil kinulang na raw siya sa pambayad sa hospital.

Hanggang ngayon nga raw ay meron pa siyang binabayaran sa hospital. Mabuti at marami naman daw siyang kaibigan na tumulong sa kanya. Ngayon ay nakikitira na lang daw siya sa bahay ng anak niya.

Ibinigay na rin daw niya ang kotse niya sa anak niyang nag-aaral sa Ateneo, kaya nagko-commute na lang daw siya.

Mabuti nga raw at ang asawa raw nito ang gumagastos ng pampaaral sa anak niya.

Iyon na lang daw ang inaasahan niya na kapag makatapos ng pag-aaral ang anak niya, at makapaghanap ng trabaho, puwede na siyang tulungan.

Mag-isa na lang nga ngayon si Gary sa bahay niya dahil wala na rin itong pansahod sa kasambahay niya. Kaya pinaalis na lang niya ito. Bumibili na lang siya ng luto na ulam sa turo-turo, at okay na raw siya sa ganu’n.

Ang ikinairita lang daw niya, kapag nagku-commute ito, ang dami pa ring nakakilala sa kanya. Kaya may mga nagpapalitrato sa kanya na hindi raw niya type.

Gusto man daw niyang mag-taxi, hindi naman daw niya kaya dahil mahal na raw at hindi na niya kakayanin. Kaya ang gusto na lang daw sana niya ay makapagtrabaho uli.

Mabuti nga at tinutulungan siya ng ilang kaibigan niya sa showbiz gaya ni Noel Trinidad na naghahanap ng mga TV guestings nito

Hay, naku! Iisipin mo bang aabutin ito ni Gary, na magaling na Ateneo graduate, magaling na komedyante at may maayos na negosyo dati, ngayon ay naghihirap na.

 

HINDI NAKADALO si Paolo Contis sa birthday party ng anak nilang sina Xonia at Xalene na hinanda ni Lian Paz sa Jollibee sa Greenmeadows, Libis nu’ng nakaraang Biyernes.

Ang sabi, may training lang daw si Paolo para sa bagong programa nito sa GMA-7 na Love and Lies, pero tingin ko umiiwas na lang ang alaga ko na hindi makaharap ang mga magulang ni Lian.

Medyo okay na sina Paolo at Lian eh, pero parang hindi pa yata sila nagkaharap uli ng pamil-ya ng dating asawa.

Kaya “no show” na lang ito sa birthday party ng dalawang anak nila.

Sabi naman ni Lian, mas okay na sila ngayon dahil madalas naman daw silang nag-uusap tungkol lang sa kanilang anak.

Ang pagbabalikan, mukhang hindi pa raw sila ready dahil depende naman daw ‘yun kay Paolo.

Kaya lang, nakakaintriga itong nakita ng Startalk sa Instagram ni Lian na may mga litrato siyang kasama ang isang lalaki na parang sweet silang dalawa.

Ipinakita nga sa Startalk ang nasa Instagram nu’ng lalaking ‘yun na hinahalikan ang malaking tarpaulin ni Lian.

Sabi ni Lian, matagal na raw niyang kaibigan ‘yun, nag-aaral pa siya sa Cebu.

Basketball player ‘yun sa Cebu at meron silang skin clinic na kinuha nila si Lian na endorser.

Naging close daw sila uli at binabalik ang dating friendship. ‘Yun ang sabi ni Lian tungkol sa lalaking ‘yun. Hindi pa naman daw siya handang makipagrelasyon uli.

Malay natin, baka nga magkabalikan pa sila ni Paolo. Pero ayaw na munang magkomento ni Paolo tungkol dito. Mabuting tahimik na lang daw siya.

Naku! Magagawa kaya nina Manny at Jinkee Pacquiao na pagbalikin ang dating mag-asawa?

Mga Mata ni Lolita
by Lolit Solis

loading...

2 thoughts on “Hindi sinipot ang birthday party ng mga anak
Paolo Contis, umiiwas sa mga magulang ni Lian Paz?!

  1. KASI NGA NAMAN, ANG SHOWBIZ EH DI NAMAN STABLE O PERMANENTENG PAGKAKAKITAAN. NAAWA NAMAN AKO KAY GARY LISING. MAHIRAP TANGGAPIN NG MGA ARTISTA NA WALA NA SILANG CAREER, KAYA HIRAP SILANG SUMAKAY NG PUBLIC TRANSPO, O MAKITANG NAMAMALENGKE O BUMIBILI SA TINDAHAN, ETC. DI BA GANYAN DIN SI SNOOKY NOON?

Leave a Reply

Your email address will not be published.