Hindi Pinautang; Sekyu, Nang-Hostage

MALAMIG NA rehas ang hinihimas ng isang security guard matapos na madakip dahil sa tangkang pangho-hostage sa kanyang kum-pare at misis nito makaraang hindi siya pautangin ng P2 libo ng kumpare sa Quezon City.

Nahaharap ngayon sa patung-patong na kaso si Benjamin “Ben” dela Cruz, 58.

Base sa report, tinangkang i-hostage ng salarin ang mga biktimang sina Francisco Cadaing, 55; at asawang si Josefina, 53; at anak nilang si Francis, 14; at isang Janette Manalo, 35.

Bukod umano sa tangkang pangho-hostage ay tinangka pang gahasain ng salarin ang  ginang pero masuwerte na lamang at nakatakas ito.

Lumalabas sa pagsisiyasat ng mga awtoridad, nangyari ang insi¬dente sa loob ng bahay ng pamilya Cadaing sa Apahap St., Cadaing Village, Brgy. Talipapa, sa lungsod ganap na alas- 6:40 ng gabi.

Nabatid na ang salarin ay kumpare umano ni Francisco at madalang na bumisita sa kanyang bahay dahil sa Brgy. Commonwealth ito nakatira.

Nasorpresa umano si Francisco nang dumating ang salarin sa kanyang bahay, pero umuutang naman ito ng halagang P2,000.

Dahil walang sapat na pera, hindi napagbigyan ni Francisco ang suspek.

Dito na naburyong si Dela Cruz at biglang naglabas ng dala niyang kalibre .38 na baril saka iniambang itutok sa kanyang ulo at bibig.

Nasa ganitong reaksyon ang salarin nang dumating si Josefina dahilan para silang mag-asawa na ang tutukan ng baril ng sekyu at utusang pumasok sa kanilang kuwarto kasama ang kanilang anak na si Francis Daniel.

Sa loob ng silid, inutusan ni Dela Cruz si Josefina na Igapos ang mister at anak bago palabasin ang mga ito sa silid kung saan doon sinabi ng una na gusto na niyang tapusin ang kanyang buhay dahil wala na itong  halaga.

Pero bago ito gawin ng suspek, isasama umano niya ang pamilya Cadaing at pagsasamantalahan muna niya si Josefina.

Habang nag-uusap ang salarin at si Josefina, nagawa namang makawala sa pagkakagapos sina Francisco at kanyang anak saka mabilis na lumabas ng kanilang bahay at mabilis na nagsumbong sa mga kapulisan.

Samantala, nagawa namang makumbinsi ni Josefina ang salarin na pakawalan siya pero, lumipat naman ang huli sa unit ng biktimang si Manalo at ito naman ang hinostage kasama ang tatlo nitong pamangkin.

Dito na nagsimula ang negosasyon ng tropa ng special weapon and tactics ng Quezon City Police District kay Dela Cruz at makalipas ang alas- 8:15 ng gabi ay bigla na lamang nagsisigaw ang huli na boluntaryo nang susuko.

Sinabi rin ni Supt. Michael Macapagal, hepe ng PS3 na lango sa alak ang nabanggit na sekyu at kasisibak lamang sa trabaho kaya nais nitong umutang ng pera para magamit sana papauwi sa Cabanatuan City.

(PARAZZI REPORTORIAL TEAM)

loading...

Leave a Reply

Your email address will not be published.