Hindi na makapag-abroad muli Dating OFW, nagbaril sa sarili

MINABUTI NG ISANG dating Overseas Filipino Worker (OFW) na wakasan na lamang ang sariling buhay sa pamamagitan ng pagbaril sa sarili nang hindi nito matanggap na hindi na makapag-abroad muli kamakalawa ng hating-gabi sa Malabon City.

Hindi na umabot nang buhay sa Pagamutang Bayan ng Malabon sanhi ng tinamong tama ng bala ng kalibre magnum 357 na baril sa ulo ang biktimang si Mamerto Ventura 63, ng Santo Niño, Brgy. Conception ng nasabing lungsod.

Base sa ulat ng Station Investigation Division Management Branch (SIDMB) ng Malabon-PNP, dakong alas-12:45 ng hating-gabi nang maganap ang insidente sa loob ng bahay ng biktima.

Ayon sa ulat, nagulat na lamang ang mga kaanak ng biktima nang may bigla na lamang umalingawngaw na putok ng baril mula sa loob ng kanilang laundry room.

Nang alamin ng mga ito ay laking gulat nang bumulaga sa kanila ang duguang katawan ng biktima at may tama ng bala sa ulo na naging dahilan upang agad na dalhin sa naturang pagamutan subalit hindi na rin ito umabot ng buhay.

Nabatid na bago ang pagpapakamatay ng biktima, naging malungkutin umano ito nang malaman nito na hindi na siya muling makakapag-abroad pa hanggang sa isagawa ni Ventura ang pagpapakamatay.

Kaugnay nito, patuloy ang masusing imbestigasyon ng mga awtoridad upang matukoy kung may naganap na foul play sa pagkamatay ng biktima.          (MARY H. SAPICO)

 

 

 

Pinoy Parazzi News Service

Tags: ,
Balita

About the Author

has written 12690 stories on this site.

loading...

Leave a Reply

Your email address will not be published.