HINDI NA DAPAT MAKIALAM SI P-NOY

NAGPAHAYAG ANG MGA tagapagsalita ng Palasyo na gagawa diumano si Pangulong Benigno Aquino III ng sulat sa ating Kataas-taasang Hukuman.

Ayon sa mga “tsuwariwap” ng Pangulo, mismong si P-Noy ang hihiling sa Korte Suprema na pahintulutan ang media na magkaroon ng tinatawag na “live coverage” ang hearing ng Maguindanao massacre.

Sa totoo lang, parekoy, gustung-gusto nating live sa radio at telebisyon na mapakinggan at mapanood natin habang nililitis ang mga Ampatuan.

Hindi upang ipahiya sa buong mundo ang mga satanas na ito.

Dahil sa totoo lang, hindi lamang sila nilayasan na ng hiya…

Pati kunsensiya ay matagal nang wala ang mga impaktong Ampatuan!!!

Kaya nga huwag na nating isipin na ipahiya pa sila sa pamamagitan ng live media coverage dahil wala ngang hiya ang mga animal!!!

Ang sa atin lang, parekoy, kung bakit pabor tayo sa live media coverage ay upang ipakita sa isa pang demonyong “terorista” na si Bin Laden.

Na rito pala sa Pinas ay may kagaya siya.

Malay mo, parekoy, mainis si Bin Laden… at ipa-project ang mga hinayupak na Ampatuan!!!

Bago tayo mapalayo nang husto, balikan natin, parekoy, ang isyu ng live media coverage.

Oo nga’t pabor tayo rito, pero ayaw rin naman nating sumawsaw pa rito si P-Noy.

Ang ibig kong sabihin, parekoy, hindi na kailangang sumulat pa siya upang kumbinsihin ang Supreme Court sa isyu ng live media coverage.

Dahil iniingatan ko, parekoy, ang mahal na Pangulo!!!

At ang sinumang taga-Malakanyang na may malasakit kay P-Noy ay dapat tumulong sa pagkumbinsi na huwag nang ituloy ni P-Noy ang pagsulat sa SC.

Bakit? Heto… kung sakaling bumigay ang SC at aprubahan ang live media coverage, magkakaroon ito ng negatibong epekto sa Supreme Court mismo at sa Palasyo.

Sa Supreme Court, dahil nagpapadala sa pressure ng Palasyo… at sa Malakanyang dahil nakikialam sa Judiciary.

Baka sabihin pang hindi siya patas na klaseng Pangulo!!!

Kung sakali namang i-deny ng Supreme Court ang live media coverage, negatibo pa rin ito sa Kataas-taasang Hukuman at maging sa Palasyo mismo.

Sa panig ng Korte Suprema, dahil sasabihin ng maka-P-Noy na talagang tinitirya ng SC ang ating Pangulo.

Negatibo rin kay P-Noy dahil sasabihin ng mga detractors niya… matigas talaga ang ulo, sinasabi na nga ng SC na hindi p’wede, mapilit lang talaga!!!

Ibig nating sabihin, parekoy, itong mga lintek na “tsuwariwap” ng Pangulo ang dapat nag-aanalisa ng situwasyon para mabigyan ng magandang payo si P-Noy.

Tutal eh, alam naman natin kung bakit gagawin ni P-Noy ang pagsulat sa SC.

Una para mapalapit sa media na kasalukuyang sumusulong ng isyung ito… at ikalawa ay upang tumaas muli ang approval rating ni P-Noy dahil halos lahat ng taumbayan ay pabor ngayon sa live media coverage.

Pero para sa atin, parekoy, hindi ko ilalagay ang Pangulo sa isang situwasyon na muli na namang magpapainit sa kanyang relasyon sa Korte Suprema.

Piryud!!!

INAANYAYAHAN KO PO kayong makinig sa aking programa sa radyo tuwing 6-7 ng umaga, Lunes hanggang Biyernes sa DZME 1530kHz (dulong-kanan sa inyong talapihitan).

Ang programa ng inyong lingkod, “ALARMA Kinse Treynta” ay maaari rin po ninyong mapanood sa internet sa ganu’n ding oras.

Mag-log-on lamang sa www.dzme1530.com.

Target
ni June Briones
jabriones10@yahoo.com
09152121303

loading...

Leave a Reply

Your email address will not be published.