Hindi matanggap ang pakikipagkalas ng GF DRIVER, NAGBIGTI

DAHIL SA LABIS na pagdaramdam matapos hiwalayan ng kanyang pinakamamahal na kasintahan, minabuti pa ng isang driver ang wakasan na lamang ang sariling buhay sa pamamagitan ng pagbigti sa sarili sa Malabon City kamakalawa ng tanghali.

Dead-on-arrival sa Pagamutan Bayan ng Malabon ang biktima na nakilalang si Rogelio Punit, 24, binata at residente ng # 20 Katarungan St., Brgy. Muzon ng nasabing lungsod.

Sa isinagawang imbestigasyon ni SP03 Ferdinand Espiritu, may hawak ng kaso, nabatid na dakong alas-12:00 ng tanghali nang matagpuan ang nakabigti at walang buhay na katawan ng biktima sa loob ng silid nito gamit ang isang electrical cord na ipinulupot nito sa kanyang leeg habang ang dulo naman ay nakatali sa biga ng kanyang kuwarto.

Ayon sa naging salaysay ni Sara 19, kapatid ng biktima, huling nakita nito ang kanyang kuya galing sa palengke at tumuloy ito sa kanyang silid at nagkulong.

Pagsapit ng tanghalian, kinatok ni Sara ang biktima sa silid nito subalit nakailang ulit na itong kumatok ay walang nagbubukas ng pinto dahilan upang humingi ng tulong sa kanyang mga kasambahay ang dalaga.

Puwersahang binuksan ang silid ng biktima ng mga kaanak nito at laking gulat ng mga ito ng bumulaga sa kanila ang nakabigting katawan ni Punit dahilan upang mabilis itong dinala sa naturang pagamutan, subalit hindi na rin ito umabot nang buhay.

Nabatid sa mga kaanak ng biktima, apat na araw na nilang nakikitang laging malungkot ito dahil sa nakatampuhan nito ang kanyang kasintahan na si Rosa at nauwi umano sa hiwalayan na labis namang dinamdam ni Punit hanggang sa gawin nito ang pagpapakamatay.

Kaugnay nito, patuloy ang imbestigasyon ng mga awtoridad upang matukoy kung may naganap na foul play sa pagkamatay ng biktima.

(MARY H. SAPICO)

Pinoy Parazzi News Service

Tags: ,
Balita

About the Author

has written 12690 stories on this site.

loading...

Leave a Reply

Your email address will not be published.