Hindi Ako Tatakas sa Batas – Jun Lozada

TINIYAK NG whistleblower na si Rodolfo “Jun” Lozada na hindi niya tatalikuran ang kasong graft laban sa kanya kaugnay ng NBN-ZTE deal kasunod ng pagpapaaresto sa kanya ng Sandiganbayan.

Kaugnay ito ng pagkakasangkot ni Lozada sa kuwestiyunableng leasehold rights grants nang siya’y pangulo pa ng Philippine Forest Corporation noong taong 2009.

Sinabi ni Lozada na hindi siya nagtatago sa batas kundi sa mga banta sa kanyang buhay at seguridad ng pamilya.

Ito ay dahil na rin aniya sa mga umaaligid na armadong lalaki sa kanilang tahanan nitong Sabado at Linggo.

Tila “bagong kabanata” aniya sa kanyang pa-kikibaka ang kinahaharap ngayon lalo’t isa isa nang nalalagas ang mga testigo sa iba pang kaso tulad ng pagpatay kay Dr. Gerry Ortega sa Palawan.

Lumabas na aniya kamakailan ang arrest warrant pero hindi pa rin natatanggap ng kanyang abogado.

Sa kasagsagan aniya ng kontrobersiya, sinabi ni Lozada na katangi-tangi na isa lamang sa kanyang mga empleyado ang pumayag sa alok umano ng mga tao ni Arroyo na tumestigo laban sa kanya.

Ang tinutukoy ni Lozada ay si Erwin Santos na lu-mabas din sa media at nagsalita rin ukol sa naturang isyu.

Ipinagtataka rin ni Lozada na may mga kaso rin umano ng katiwalian si Santos na naiparating na sa Ombudsman at Commission on Audit (COA) ngunit hindi pa rin naaksyunan.

Samantala, naging emosyonal sa pagdedetalye si Lozada na malaking sakripisyo na ang muling pagdaraanan ng kanilang pamilya sa bagong dagok.

Hindi aniya siya nanghihingi ng kapalit ngunit labis na aniya ang nasabing hakbang.

(PARAZZI REPORTORIAL TEAM)

loading...

Leave a Reply

Your email address will not be published.