Hijacker na Parak, 2 pa, Tiklo sa Checkpoint

ISA NA namang kawatan na pulis at dalawang kasama nito ang naaresto matapos positibong kilalanin ng mga biktima na umagaw ng isang truck ng baboy noong Miyerkules sa Mahabang Parang, Sta Maria, Bulacan.

Sa ulat na tinanggap ni Bulacan acting police director Sr. Supt. Joel Sabio Orduña, kinilala ang mga nahuling suspek na si PO3 Christopher Magmanlac, 38 anyos, may-asawa, nakadetine sa Norzagaray Police Station, at residente ng  Purok 1, Brgy. San Isidro; at ang dalawang kasama nito na sina Franco Rico, 32, at Eliseo Gugulan, 50, mekaniko, at pawang residente ng Paradise 3, San Jose del Monte City.

Base sa report ni Supt. Lailene Amparo, hepe ng Sta. Maria Police, ang mga biktima na sina Alfredo Desalesa, 34 anyos, driver, taga-San Miguel, Manila; at Jose Eric Villapane, 19, stay-in employee ng Solid Agricultural Development Corp., Bernardo St., Brgy. Bulac, ay hinarang umano ng tatlong kalalakihan at ang isa ay tinutukan sila ng baril at inagaw ang dala nilang truck na may lamang 23 baboy.

Ganap na alas-10:00 ng gabi noong Huwebes, isang tawag ang natanggap ng Sta. Maria Police galing sa Marilao Police sa pamumuno ni Supt. Gerry Andaya para impormahan sila na isang puting Toyota Corolla na may plakang TSB-149 ang kani-lang nasakote na may sakay na tatlong lalaki kasama ang isang pulis sa madilim na bahagi ng Marilao-San Jose Provincial Road.

Agad na tinungo ng Sta. Maria Police ang himpilan ng Marilao kasama si Villapane para kilalanin kung ang nahuling tatlong lalaki ay siyang nang-hijack sa kanila.

Positibong itinuro ng biktima ang mga suspek na siyang umagaw na kanilang truck na may lamang baboy. Ang pulis din ang siyang tumutok ng baril sa kanila ang nagmaneho ng truck.

Agad namang inamin ni Franco at Elisio ang nangyaring hijacking.

Kasong Highway Robbery ang nakatakdang isampa laban sa mga suspek maliban pa sa kasong isinampa ng Marilao Police kay PO3 Magmanlac na Violation of Comelec Gun Ban.

(TONY DELA PEÑA)

 

loading...

Leave a Reply

Your email address will not be published.