Higit 100,000 Pinoy sa Saudi, Apektado ng Crackdown Kontra Illegal Workers

HIGIT 100,000 Pilipino sa Saudi Arabia ang nanganganib na mahuli at mapa-deport dahil sa patuloy na crackdown ng Saudi government laban sa mga illegal at irregular na dayuhang manggagawa roon.

Umaapela ng tulong sa pamahalaan si Susan “Toots” Ople ng Blas Ople Center, isang non-government organization na tumutulong sa mga overseas Filipino workers (OFW) para sa mga kababayan natin.

Nag-ugat aniya ang crackdown sa polisiya ng Saudi Arabian government na Saudization o “nitaqat” kung saan nais bigyang prayoridad ang mga Arabong manggagawa.

Pinatindi na umano ng Saudi government ang paghahanap sa mga iligal at iregular na dayuhang manggagawa. Sinumang mahuli ay posibleng maharap sa deportasyon.

Ayaw namang paniwalaan ni Ople ang datos na inilabas ng Commission on Filipino Overseas website noong 2011 na aabot lamang sa 20,000 Pinoy ang irregular workers sa Saudi.

Marami aniyang Pinoy ang nasa Saudi Arabia kasama na rito ang mga nag-o-overstay at may mga pamilya na roon nang hindi plantsado ang mga papeles sa maraming dahilan.

Base sa tala ng pamahalaan ng Saudi Arabia, aabot sa 2 milyon ang ilegal na dayuhang manggagawa sa kanilang bansa.

Malaking bilang umano rito ay paso na ang residence permit o hindi maayos ang mga rekord.

Sinabi rin ni Ople na sinusuyod na ng mga Saudi police ang mga kumpanya para hanapin ang mga iligal na dayuhang manggagawa upang suriin ang mga papeles at ilinya para ipa-deport.

Naniniwala si Ople na malawak ang sakop ng epekto ng hakbang na ito ng Saudi government sa mamamayang Pilipino oras na hindi maaksyunan ng gobyerno.

Tapos na aniya ang deadline para sa mga nasa red category na mapasama sa green categoy noon pang Mayo 2011 kaya hindi rin masisisi kung humantong na sa pag-crackdown ang Saudi authorities.

Ayon kay Ople, hindi dapat kalimutan na matagal nang nangunguna bi-lang destinasyon ng Pinoy workers ang Saudi.

Sa bawat isang mawawalan ng trabaho sa Saudi Arabia at mapauwi sa bansa, sangay-sangay na pamilya ang apektado nito.

Nananawagan din si Ople sa administrasyong Aquino na bigyang-pansin ang problema.

Nagtatampo na aniya sa gobyerno ang mga OFW sa Saudi at mga pamilya nito na tila hindi napagtutuunan ng pansin ang isyung ito.

Samantala, hinahanap din naman ng Blas Ople Policy Center ang pondong nalikom ng Department of Foreign Affairs (DFA) sa pagpapasara ng mga embahada at konsulado sa ibang bansa na ituon na lamang umano sana sa Saudi para marami pa ang OFWs doon ang ma-serbisyuhan.  

(PARAZZI REPORTORIAL TEAM)

 

loading...

Leave a Reply

Your email address will not be published.