Hi-tech na Masiao, Jueteng at Pekeng Jai-alai sa Region 2, may sariling cable station… PNP RD AT MGA PD, BULAG DAHIL SA SUHOL

SADYANG NAGBUBULAG-BULAGAN NA ang mga opisyal ng Philippine National Police sa Region 2, mula sa regional director hanggang sa mga provincial directors sa malaganap na mga iligal na pasugalan, partikular na ang Masiao, Jueteng at pamemeke ng Jai-alai sa buong rehiyon. Ito ang sumbong ng mga residente rito at ng iba’t ibang non-government organizations (NGOs), at ng Simbahang Katoliko.

Nabatid na ang namamayagpag sa mga nabanggit na iligal na pasugalan ay malapit diumano sa administrasyong Aquino at PNP Chief Director Ge-neral Raul Bacalzo. Kinilala na ang taong ito na may alyas na RC, na siya umanong may kontrol ng mga iligal na pasugalan sa mga lalawigan ng Cagayan, Tuguegarao, Nueva Vizcaya, Quirino, at sa 1st at 2nd district ng Isabela.

Diumano, ang mga local maintainer naman nitong si RC sa mga nabanggit na lugar ay sina Vice Gov. Jose Gambito at Gov. Luisa Cuarisma ng Nueva Vizcaya; Gov. Junie Cua at Ivan Uy sa Quirino; Jojo Baui at Delfin De Vera sa 1st at 2nd district ng Isabela.

Ayon sa nakalap na impormasyon ng Pinoy Parazzi, ginagaya ng mga iligal na sugal na ito ang Lotto na napapanood sa telebisyon ang bola.

Ang pagkakaiba umano nito sa Lotto ng PCSO, may lumalabas na bola at binabasa ang lumabas na numero, samantalang dito sa bola ng Masiao, Jueteng at pekeng Jai-alai, biglang lalabas na lang sa screen ang una at ikalawang bola at iyon ang tatamang numero sa Masiao at Jueteng na sinasabi pang ginagamit umano na prente ang prangkisa ng Jai-alai ng Vista Gaming Corporation na lisensiyado ng PAGCOR.

Nabatid pa ang tawag umano nila sa bola ng mga nabanggit na iligal na sugal ay ‘virtualto’ na centralized sa buong Cagayan Valley Region, na may main office umano sa VGC, o pekeng Jai-alai pronton, sa Sta. Ana, Cagayan, kung saan sa buong Cagayan Valley lang napapanood ang labas.

Napag-alaman pang tatlong beses ding iikot ang mga kabo at kubrador ng mga ito na umano’y front nila ang nakasabit na ID na nagmula sa VGC, na isyu umano ng PAGCOR sa umano’y pekeng Jai-alai, at iligal na Masiao at Jueteng.

Nabatid pa ang bola ng totoong Jai-alai ay isang beses lang sa hating-gabi, pero sa Cagayan Valley, tatlong beses sa isang araw ang bola, kaya lumalabas na iligal ang kanilang aktibidades, at niloloko lamang ni RC ang PAGCOR at mga residente sa Cagayan Valley.

Dahil dito, hinihiling ng mga residente kay PNP Chief Gen. Bacalzo na ipatupad ang sinasabi nitong ‘one-strike policy’ sa mga nakatalagang opisyal ng PNP sa Cagayan Valley na kinabibilangan nina Regional Director PC/Supt. Francisco Villaroman, Provincial Director Mao Aplasca ng Tuguegarao City, Provincial Director S/Supt. Elmer Beltajar, Provincial Director S/Supt. Delfin Milo ng Quirino; at Provincial Director S/Supt. Jimmy Uy, gawa ng hindi nila mapahinto ang mga nabanggit na iligal na pasugalan ni RC na umano’y laging ipinagmamalaking malapit daw siya sa administrasyong Aquino.

Pinagkakalat pa raw nitong si RC na sinumang opisyal ng PNP, tulad ng mga nabanggit, na magpapatigil sa kanyang mga iligal na aktibidades ay ipasisibak daw nito kay Bacalzo, at ipatatawag daw niya sa Palasyo kung bakit sinusuway ang kanyang kagustuhan.

Kung talagang walang natatanggap na payola ang mga nabanggit na opisyal ng PNP sa nasabing lugar, siguro naman, wala silang takot na ipahinto ang mga nabanggit na iligal na sugal o dakpin si RC upang maipakita nila na tumutupad sila sa ‘one-strike policy’ ng mga kapulisan, sabi pa ng mga residente rito. (Parazzi Investigative Team)

Pinoy Parazzi News Service

Tags: ,
Balita

About the Author

has written 12690 stories on this site.

loading...

Leave a Reply

Your email address will not be published.