Hepe ng pulisya; 1 pulis, dedo sa engkuwentro

MINALAS ANG ISANG hepe ng pulisya at ang isa niyang pulis matapos na kalawitin ni kamatayan nang tamaan ng bala ng baril habang nakikipagbarilan sa isang grupo ng mga holdaper sa Brgy. Lydia, Marcos, Ilocos Norte noong Lunes ng umaga.

Nakilala ang mga biktima na sina P/Insp. Naldo S. Aromin at SPO2 Danny Ballesteros na kapwa nakatalaga sa natu-rang bayan.

Nabatid na isang tawag sa cellphone ang natanggap ng Marcos Police Station noong araw na iyon na nagsusumbong tungkol sa nangyayaring robbery/hold-up sa bodega ng M. Gabriel Enterprise matapos na pasukin ito ng armadong grupo ng mga kalalakihan.

Agad na bumuo si Aromin ng grupo at mabilis silang rumesponde sa naturang lugar ngunit nakalabas na sa compound ng M. Gabriel Enterprise ang mga suspek kaya hinabol sila ng grupo ni Aromin.

Nahabol ng grupo ni Aromin ang mga papatakas na suspek sa Sitio North Parola ng natu-rang barangay at dito na nagkaroon ng mainit na palitan ng putok matapos na una silang paputukan ng mga suspek at minalas na tamaan si Ballesteros na ikinamatay nito.

Matapos ang 25-minutong palitan ng putok, patay ring bumagsak si Aromin habang may isang hindi pa kilalang lalaki ang nasawi naman sa panig ng mga suspek.

Makaraang humupa ang putukan, agad na tumalilis ang mga suspek ngunit dalawa sa mga ito ang napatay habang dalawang iba pa ang nahuli sa nangyaring engkuwentro kahapon sa isinagawang manhunt operation ng PNP-Marcos matapos na matunton ng pulisya ang pinagtataguan ng mga suspek sa Barangay 19, Sarrat, Ilocos Norte.  (ROLANDO S. GAMOSO)

loading...

Leave a Reply

Your email address will not be published.