Henares, Tikom sa Tax Issue ni Pacquiao sa US

MAINGAT SI Bureau of Internal Revenue (BIR) Commissioner Kim Henares sa pagbibigay ng komento hinggil sa panibagong iskandalong kinasasangkutan ni Manny Pacquiao sa Amerika kaugnay sa $18.31 milyong buwis.

Sinabi ni Henares na bahala na ang kinauukulan sa pagsisiyasat at pagsasampa ng kaso kay Pacman kung kinakailangan lalo na’t mahirap makomento sa naturang isyu dahil may umiiral pa na gag order ang korte kaugnay sa tax evasion case na kinakaharap nito sa bansa.

Aniya, tanging pagkakaalam nito na sakaling non-residence ang isang tao sa US ay ibinabase ang kanyang buwis sa gross income.

Base sa pahayag ng kalihim, maituturing pa lamang nilang rumor o tsismis ang lumabas na ulat na aabot sa $18.31 milyon o nasa mahigit P740 milyon ang pagkakautang sa buwis ni Pacquiao sa Internal Revenue Service (IRS) ng Estados Unidos.

Matatandaan na si Pacman ay hinahabol din ng BIR dahil sa problema sa buwis na umaabot sa P2.2 bilyon na naging dahilan para i-freeze ang kanyang mga bank accounts.

Para naman sa BIR chief, kung may problema umano si Pacquiao sa bookkeeping sa bansa, tiyak umanong magkakaroon din siya ng aberya sa Amerika.

(PARAZZI REPORTORIAL TEAM)

loading...

Leave a Reply

Your email address will not be published.