Helper, binoga habang umiihi

KRITIKAL SA PAGAMUTAN ang isang 43-anyos na helper makaraang barilin ito ng suspek habang ang una ay umiihi sa dinaluhan nitong birthday party kahapon ng madaling-araw sa Caloocan City.

Inoobserbahan ngayon sa East Avenue Medical Center, Quezon City sanhi ng tama ng bala sa ‘di pa mabatid na kalibre ng baril sa katawan at balikat ang biktimang si Ramon Sarmiento, binata, ng Phase 9, Package 3, Blk. 23, Lot. 13, Maharlika, Bagong Silang, Caloocan City.

Tugis naman ng pulisya ang suspek na nakilala lamang sa alyas Cocoy na mabilis na tumakas matapos ang insidente sa ‘di malamang direksyon.

Sa ulat ng pulisya, dakong ala-1:35 ng madaling-araw nang maganap ang insidente sa kahabaan ng Phase 9, Maharlika, Brgy. 176, Bagong Silang, Caloocan City.

Ayon sa kasamahan ng biktima na si Robert Bazar, 32, may-asawa, tricycle driver, dumalo sa isang birthday party para makipag-inuman, lumabas si Sarmiento para umihi.

Lingid sa kaalaman ng biktima, inaabangan na pala ito ng suspek at pinagbabaril. Paglabas ni Bazar ay sinabihan ng suspek na kanyang nakasalubong ng “Pinutukan ko ‘yung kasama n’yo tingnan n’yo kung buhay pa!”.

Dito, nakita ni Bazar na duguan ang biktima dahilan upang dalhin nito sa Tala Hospital subalit agad rin itong inilipat sa EAMC sanhi ng matinding pinsalang tinamo nito.

Inaalam na ng pulisya ang tunay na motibo sa nasabing insidente.  (MARY H. SAPICO)

Pinoy Parazzi News Service

Tags: ,
Balita

About the Author

has written 12690 stories on this site.

loading...

Leave a Reply

Your email address will not be published.