Hamon sa Magsisipagtapos

ISANG PAMBIHIRANG karangalan ang maimbita upang magsalita sa pagtatapos ng Class 2012 ng UP CSSP. Ako’y nagpapasalamat sa pagkakataong maging bahagi ng pagtatapos ng isang kabanata ng inyong buhay. Ako ay taos-pusong bumabati sa inyong nagsisipagtapos, kayo ang mga bida ng pagdiriwang na ito, at sa inyong pamilyang umalalay sa inyo upang makarating sa puntong ito, kayo ang best supporting actors and actresses ng bida natin. At sa mga kontrabida sa inyong nilakbay upang marating ito, eh ‘di nakita n’yo.

Ito na ang simula. Natapos na ninyong pag-aralan ang mga dapat na matutunan para sumabak sa tunay na buhay. Sa tantya ko, masaya at malungkot ang inyong nadarama ngayon at sa susunod na mga araw. Masaya dahil, aba, may degree ka na, at sa uuwian mo na probinsya, UP graduate ka, kung kaya may binatbat ka. Sa kabilang banda, may lungkot sa loob, sapagkat, hmm… malaking problema, kumbaga tapos na ang practice, game na. Ang tanong, paano na?

Pambihira. UP graduate. Ang karangalang ‘yan ay bitbit mo habang-buhay. Sa mga susunod na sandali, ipasyal ang inyong isip, parang question and answer portion sa Little Miss Philippines, at ang tanong, ano ang gusto mong maging paglaki mo? Tulad ko, nangarap akong maging abogado. Sa pamilya namin sa Batangas, lumaki kami na doktor o abogado lamang ang tila inihain sa amin ng aming mga magulang na pagpilian. Abogado ang napili ko kung kaya’t Philosophy ang aking kinuhang undergraduate degree. Kung kaya’t kumuha ako ng LAE, nagpa-interview sa panel ng UP Law, at pinalad na pumasa! Feeling bigatin ako noon. Kaso, mga tatlong linggo pa lang ako sa College of Law noon, hindi ko gaanong kursunada ang mag-xerox araw-araw ng isang dangkal na readings, para aralin at kabahan at manlamig habang naghihintay sa aming Law professor na balasahin ang aming class cards para bumunot ng masuwerteng sasagot sa recitation. Sabi ko, sandali, honor naman ako sa Philosophy, p’wede na sigurong tumigil du’n ang paghihirap ko. Ayaw ko nang maghirap uli. Kaya hayun, nag-leave of absence ako sa College of Law.

Ang totoo nu’n, na-diskaril ang pinlano ko sa buhay. Ano na? Habang ako ay nag-iisip kung ano ang magandang diskarte, nag-enrol ako sa Masters in Philosophy. Unang leksyon, magandang magbabad sa eskuwela habang nag-iisip kung anong plano mo sa buhay. Maganda kasing paligiran ang sarili ng mga taong matatalino at may ambisyon, sapagkat ‘yan ay nakahahawa. At siguradong walang talo ang dagdag na degree o dagdag na karanasan. Sa bilis naman ng panahon, natapos ko ang Masters habang nagtuturo. Hindi pa ako natatapos humiyaw sa saya, ang tanong ko sa sarili ay, pagkatapos ng masteral thesis, what’s next?

Sa aking pagmumuni-muni, tinanong ko uli ang aking sarili, kuwarta o kahon? At walang pasubaling, kahon! Abogado pa rin ang gusto ko paglaki ko. Kung kaya’t nag-enrol ako sa pangalawang pagkakataon, sa evening class ng UP College of Law, habang nagtuturo pa rin sa umaga sa UP Philosophy Department. Pangalawang leksyon, hindi bawal magkamali. Kapag nadapa, e ‘di bumangon. Ang mahalaga, makabalik sa laro. Huwag mawalan ng focus. Sumubok uli. Pagkatapos ng limang taon, dagdag pa sa pagiging CSSP graduate, napagtiyagaan ko at ako ay nagsikap na maging UP College of Law graduate. Pangatlong leksyon, kapag gusto, bunuin mo, paghirapan mo. Bawal ang mawalan ng loob dahil lang iniisip mong mahirap. Eh, pag-iisip ng talunan ‘yan, wala kang maaabot n’yan. Bawal sa UP graduate ang mahina ang loob.

Sa paghanap mo ng lugar mo sa mundong ito, ano ba ang dapat isa-isip? Maganda na hanapin ang isang trabaho o pagkakaabalahan na gusto mong gawin, at akma sa gusto mong maging pagkatapos ng sampu o dalawampung taon. Naisapelikula na, at gasgas na ang mga istorya ng mga taong pinilit na aralin o trabahuhin ang labag sa kalooban nila. Palaging ang ending ng mga ito ay umiiyak sa shower at unti-unting napapaupo sa sahig ng banyo, o kaya’y tulala at malayo ang tingin sa bintana. Utang na loob, huwag ka nang dumagdag. Buhay mo naman ‘yan, ikaw ang director at scriptwriter, ikaw pa ang bida ng iyong pelikula. Diskartehan mo nang maayos. Bawal sa UP graduate ang nagpapagupo sa pressure ng iba. Manindigan ka.

Ngayon, anuman ang iyong papasukin, negosyo man, empleyo sa private sector, government service, alalahaning ikaw ay bahagi ng isang lipunan. Ang ginagawa mo sa isang sulok ng mundo ay nakakaapekto kahit papa’no sa mas malaking mundo. Sapagkat ang ating mga buhay ay sanga-sanga at malapit o malayo, ay konektado ang bawat isa. Sa iyong papasukin, laging sipatin ang pagiging pinakamagaling. Gusto mong maging researcher, sikapin mong maging pinakamahusay na researcher. Gusto mong maging guro, paghirapan at maging pinakamagaling na guro. Ibuhos ang talino at loob, at ang kabuluhan ng iyong ginagawa ay magiging buo. Bawal sa UP graduate ang ok lang, bawal ang p’wede na. Kagalingan, ‘yan ang depinisyon ng pagtatrabaho mo.

Isa pang dapat isaalang-alang: itanong sa sarili, saan kaya ako mas mapapakinabangan ng lipunan? Maaaring gustuhin natin ang mas malaking suweldo sa private sector, sapagkat normal naman na asamin ang komportable at tahimik na buhay. Wala naman sigurong makakasisi sa atin na magmithi ng ganito. Ako man, pagkatapos na maging abogado ay limang taon sa private law firm, at limang taon sa multinational na gumagawa ng consumer goods. Kakaiba ang training, matindi ang kompetisyon, maganda ang sahod, tahimik ang buhay. Sa palagay ko naman ay hindi ako naging parang tuod lamang sa mga pinagtrabahuhan ko. Sinikap ko na madama ang aking pagkatao, ang aking trabaho. Bawal sa UP graduate ang maging tuod. Magaling ka at palitawin mo ang iyong galing.

Noong 2010, ako ay sinabihan ng boss ko na ipapadala na bilang expat sa Singapore. Wow, pagkakataon ko nang yumaman! Ngunit September 2010, sumulpot ang offer ng bise-presidente ng Republika ng Pilipinas, ang kagalang-galang na Jejomar Binay, isa ring UP graduate, na pumasok ako sa public service at mamuno ng isang government financial institution, ang PagIBIG Fund. Tanda ko ang sabi n’ya sa akin: “UP graduate ka hija, bakit ka papalayo sa Singapore? Ngayon na ang panahon para sa iyo na maglingkod sa bayan at magtulong-tulong sa ikabubuti ng buhay.” Isang malaking karangalan, walang duda. Pero patay. Paano na ang expat package ko sa Singapore, kung saan sasagutin pa nila ang pag-aaral sa international school sa Singapore ng aking kaisa-isang anak? Maraming araw kaming nagpulong ng aking pamilya. Career na sigurado sa Procter & Gamble o career na anytime ay p’wedeng mag “the end” dahil ang posisyon ay presidential or political appointee? Tahimik na buhay o buhay na masalimuot? Hmm… nakakapag-isip hindi ba? Walang security of tenure, mas mababang suweldo, maintriga, mapulitika, thankless job kumbaga. Kung hindi ako UP graduate, ang dali ng choice. Du’n ka na sa sigurado. Pero hindi nga, eh. UP graduate ako. Sa kabuuan, ang tanong na nanaig, saan ba ako mas mapapakinabangan ng lipunan? Saan ako mas maraming taong matutulungan? At sa puntong iyon, naging malinaw na ang naipon kong pinag-aralan sa CSSP, sa College of Law, sa private sector, ay ito na ang payback time.

‘Di ba dito sa UP, dahil buhay na buhay ang kamalayan, kaya’t madaling nakakaunawa at nakakatunton ng mali sa patakbo ng pamahalaan. Nagra-rally tayo upang isigaw na mali ang prayoridad, mali ang programa, mali ang direksyon ng gobyerno! Ngayon, nasa harapan ko ang pagkakataon na diretsong makapag-desisyon ng prayoridad, ng programa, ng direksyon sa larangan ng pabahay ng bansa. Naging maliwanag sa isip at loob ko kung saan ako mas mapapakinabangan. Hindi ko palalampasin ang pagkakataon na sumubok na magbigay ng solusyon, sapagkat bawal sa UP graduate ang puro reklamo lamang. Maging bahagi ka ng solusyon.

Ngayong araw na ito, proud na proud ang inyong mga magulang o mahal sa buhay. Sa panahon na kayo naman ang bubuno ng kaganapan ng inyong pangarap, alalahanin ang araw na ito. Sa apat na taon na narito kayo, puno kayo ng ideyalismo. Ibaon nang malalim ‘yang paniniwala na maganda ang mundo, at kaya nating baguhin ang mga mali, ang halaga ng tapat na paglilingkod at pananagutan sa sarili at sa lipunan. Sana ay malalim upang hindi kayang matinag. Sa paglipas ng panahon na masasanay ka sa takbo ng tunay na mundo, sana ay ‘wag kalyuhin ang damdamin mong ipaglaban ang ideyalismong isinabuhay sa UP. Bawal sa UP graduate ang maging baluktot. Bawal ang mandaya sa trabaho, sa pribado man o serbisyo publiko. Bawal ang magpalamon sa kagahaman ng mga taong balasubas. Para saan pang naging UP graduate ka, matalino, may tapang na magsalita, at tatag ng loob. Sa tuwing may tukso ng pagsasamantala, tukso na p’wede palang mang- abuso nang walang makakaalam, sana ay maalala natin ang araw na ito. Mahiya naman tayo sa bayang nagpaaral sa atin, at lalo na, mahiya naman tayo sa mga magulang na puno ng pag-asa at pagmamalaki sa ating graduation ngayon, mahiya naman tayo at dala natin ang pangalan ng ating pamilya, at ang dangal ng UP.

Sa maikli ko pang panunungkulan, ako man ay naging saksi sa mga tukso. Ang tukso sa makabagong panahon ay disimulado. Hindi harapan, hindi kelangan hingin. May dalawang klase. Kung manghingi, ‘yan daw ang mali. Garapal. Kung kusa kang bigyan, SOP kung tawagin, ok lang ‘yan. Sa akin, pareho lang ‘yan. Hindi ‘yan perang para sa iyo. Walang presyo ang desisyon mo, dahil responsibilidad mo mag-desisyon kung ano ang ikakabuti ng pinaglilingkuran mo. Nakapagsauli na ako ng gift certificate na sampung libong piso mula sa developer. Sa panahon ngayon at sa housing industry, maaaring napakaliit ng sampung libong piso. Ngunit ako ay nagpaabot na ipagpaumanhin at sa akin ay mahalaga na malinaw sa organisasyon ko na hindi tama ang tumanggap ng regalo. Hindi man ibinigay para maging suhol, kundi, nais kong iwasan ang masamang itsura na ikalilito pa ng aking limang libong empleyado kung ano ang tama at mali. Nagsoli na ako ng painting at ipinaliwanag na mas makakatulong ako kung wala na itong mga mamamahaling regalo. Sa aking tingin naman, ay nabalita na ng mga stakeholders ng Pag-IBIG Fund na totohanan ang pagpapahalaga ko sa katapatan at pananagutan sa paglilingkod. Isang taon at kalahati na ako sa Pag-IBIG Fund, ako nama’y inyong batiin. Buhay pa ako.

Kayat litratuhan n’yo ang araw na ito kasama ang inyong mahal sa buhay at sana ay isabit sa dingding ng bahay para maging paalala sa habang panahon na dala mo ang pangalan ng pamilya mo, dala mo ang pangalan ng UP, dala mo ang dangal ng bansang Pilipinas. Humayo kayo at simulan ang pelikula ng inyong buhay.

Mabuhay kayong lahat! Hindi bawal ang pumalakpak.

 

Talumpating nilahad sa Pagtatapos ng CSSP,  Unibersidad ng Pilipinas, Abril 21, 2012 sa University Theater.

Ni Atty. Darlene Marie B. Berberabe

President/CEO Pag-IBIG Fund

Tags: ,
Balita

About the Author

has written 12690 stories on this site.

loading...

Leave a Reply

Your email address will not be published.