Hamon sa Gobyernong Aquino, Panagutin ang mga Mandarambong at Utak ng Sindikato sa Gobyerno

OKTUBRE 30, 2013, inagaw ni PNoy ang buong atensyon ng publiko para muling hamunin ang diumano’y mga kalaban n’ya sa pulitika na sumasagka sa kanyang krusada—ang pagsugpo sa katiwalian. Kasabay ng kanyang pagtatanggol sa isa sa mga sanhi ng katiwalian—ang Pork Barrel na tinawag na PDAF at DAP. Ang panawagan n’yang ito ay bunsod ng pagbagsak ng kanyang popularidad, na hindi napagtakpan ng kanyang presensya sa bakbakan sa Zamboanga at mga biktima ng lindol sa Bohol at Cebu.

Ayon sa kalatas ng militanteng grupong Partido Marxista-Leninista ng Pilipinas, kung talagang seryoso si PNoy sa kanyang hamon at krusada na sugpuin at wakasan ang katiwalian dapat ito’y patunayan ‘di sa salita at buladas, kundi sa aksyon.

Hamon pa ng grupo na, “Bitayin ang mga mandarambong at utak ng sindikato sa loob ng gobyerno. Ikulong ng habambuhay (reclusion perpetua) sa malalayong piitan (distyero) ang mga kasapakat sa pandarambong. Ito ang nararapat na aksyon upang hindi na sila pamarisan.”

Sa ganitong paraan lang umano muling makukuha ni PNoy ang tiwala’t simpatiya ng masang anak-pawis.

Wala rin umanong mararating ang hamon at mga buladas ni PNoy kung hindi n’ya lalampasan at patatali sa mga parametro at limitasyon ng batas.

Matutulad lang din umano si P-Noy sa mga nangyari sa pamilya ng diktadurang Marcos, kay Erap na naabswelto matapos patalsikin at kasuhan ng pandarambong (plunder) at kay Gloria Macapagal-Arroyo at pamilya nito.

“Lahat sila’y kinasuhan ng pandarambong, pagyurak sa karapatang pantao—mga karumal-dumal na krimen, mga kasong non-bailable, pero nasaan sila ngayon—malaya, nagtatampisaw sa karangyaan mula sa mga kinulimbat sa bayan. Higit pa dito ay nakakabalik pa sa kapangyarihan,” ayon pa sa kalatas.

Dagdag poa ng grupo, “Mahigit dalawang (2) taon na lang ang nalalabi sa termino ni PNoy. Pero si Napoles pa lang ang natitimbog (di pa sa kaso ng pandarambong), habang ang mga utak ng pandarambong at sindikato sa loob ng burukrasya ng Estado ay patuloy pa ring namamayagpag. Ang Bureau of Customs (BOC) na numero unong pugad ng mga mandarambong (ayon mismo sa SONA ni PNoy) ay ni walang natanggal o natimbog, sa halip ay binalasa at inilipat lang ng puwesto at tuloy pa rin sa dating gawi. Ang PNP na mas malawak at talamak ang katiwalian, mula sa tuktok ng liderato hanggang sa tiwaling kasapian ay hindi man lamang masaling ni PNoy. Kung dati’y mga protektor lang sa mga iligal na droga, pasugalan at putahan, ngayon ay sila na mismo ang mga operator.

“Sa madaling sabi, buladas pa lang ang nagagawa ng rehimen ni Aquino sa pagsugpo sa katiwalian.”

Banta pa ng grupo na, “Hindi papel ng rebolusyunaryong kilusan ang paglilinis sa bulok at burgis na pamamahala. Pero dahil ang biktima ng pandarambong ay ang masang anak-pawis at iba pang saray sa lipunan, moral na katungkulan ng PMLP na parusahan ang mga tiwaling opisyal. Ang Partisano, ang armadong bisig ng PMLP, ang maglalaan ng panahon upang ipatupad ang parusa sa mga tiwaling opisyal. Habang hindi kinakaligtaan ang istratehikong misyon ng uring anak-pawis sa pagsusulong ng Sosyalistang Rebolusyon at hindi makupot sa makitid na larangan at mapanlinlang na burgis na pulitika—ang bangayan ng naghaharing uri para sa poder ng kapangyarihan.”

loading...

Leave a Reply

Your email address will not be published.