Hambog na Amerikano!

MARAMING MGA BANYAGA ang nag-aakalang puwede silang maghari-harian sa ating bansa. Inaakala kasi ng mga taong ito na dahil sila ay masalapi at may mga kababayan tayo na nagangamuhan sa kanila, tayong lahat na mga Pilipino ay mga second class citizen lamang sa mismo nating bansa.

Isang halimbawa ng banyagang may ganitong klaseng pag-iisip ay si John Vaterfield, isang Amerikano at operator umano ng Vilma O Bell Taxi Company.

Noong November 18, Huwebes, dumulog sa WANTED SA RADYO (WSR) ang taxi driver na si Joel Tabuso. Nagpapatulong si Tabuso na mabawi ang kanyang driver’s license na kinumpiska ni Vaterfield dahil sa balanse sa utang na P250.00.

Tinawagan ni Carol De Asa, isa sa mga staff ng WSR, si Vaterfield upang iparating dito ang sumbong ni Tabuso. Sumiklab daw sa galit si Vaterfield at pinagsisigawan sabay na pinagmumura si Carol.

Nang muling tawagan ng WSR si Vaterfield para aking kapanayamin sa ere, sumiklab din sa galit ang Amerikano at nakipagpalitan pa ng mga maaanghang na salita. Kinuha pa ni Vaterfield ang address ng DZXL, na parang nananakot na susugurin niya ako sa DZXL sa oras ng aking programa sa susunod na araw.

Ngunit kinabukasan, biglang nahimasmasan si Vaterfield at animo’y napaihi sa pantalon sa takot, biglang nag-alsa balutan at nag-out of town. Kasabay noon, tumawag din ang sekretarya ng Vilma O Bell Taxi Company na si Chai at katakut-takot na paghingi ng paumanhin ang kanyang ginawa dahil sa pag-asta ni Vaterfield.

Agad din namang isinoli ng nasabing taxi company ang lisensiya ni Tabuso.

ILANG MGA RESIDENTE ng Barangay Pinagbuhatan sa Pasig ang dumulog sa ITIMBRE MO KAY TULFO (IMKT), isang segment sa daily noontime newscast na Balitaang Tapat sa TV5 na mapapanood tuwing 11:30 a.m. – 12:00 nn, para ireklamo ang tubig-baha sa kanilang lugar na matagal nang perhuwisyo simula pa noong panahon ng bagyong Ondoy.

Tinangkang tawagan ng IMKT si Pasig Mayor Robert Eusebio upang iparating sana ang problema sa kanya, ngunit ayaw nitong makipag-usap sa IMKT. Maging ang lahat ng mga tauhan ni Eusebio sa city hall ay tumanggi rin na makapanayam ng IMKT.

Tinawagan ng inyong SHOOTING RANGE si Usec. Austere Panadero, Undersecretary for Local Government ng DILG, at ipinarating ko ang pagmamatigas ng mga taga-Pasig City Hall at ayaw nilang magpaliwanag kung anong balak nilang gawin sa matagal ng problema ng mga taga-Barangay Pinagbuhatan.

Agad namang tinawagan ni Usec. Panadero ang Pasig City Hall at minanduhan nito ang City Administrator na si Atty. Reynaldo Dionisio na magpaliwanag sa IMKT hinggil sa nasabing sumbong.

Pagkaraan ng isang araw, sa programang ISYU ng inyong SHOOTING RANGE sa Radyo Singko, 92.3 NewsFM, naobliga si Dionisio na magpaliwanag tungkol sa naturang sumbong. Sinabi ni Dionisio na pinagpaplanuhan na ng Mayor’s Office kung papaano mabibigyan ng lasting solution ang inilapit na problema sa IMKT ng mga taga-Pasig.

Nangako rin si Dionisio na sa mga susunod na linggo, sisimulan na ang pagde-drain ng tubig-baha sa Barangay Pinagbuhatan.

Para sa inyong mga sumbong, mag-text sa 0917-7WANTED.

Shooting Range
Raffy Tulfo

loading...

Leave a Reply

Your email address will not be published.