Gun Ban, ‘Di Epektibo – Comelec

PUPULUNGIN NG Commission on Elections (Comelec) ang Philippine National Police (PNP) kasunod ng serye ng krimen na naganap sa gitna ng mahigpit na pagpapatupad ng election gun ban.

Ayon kay Comelec chairman Sixto Brillantes, umaasa silang bumaba ang bilang ng mga krimen sa bansa ngayong ipinatutupad na ang gun ban habang nalalapit ang eleksyon, ngunit taliwas aniya ito sa mga nangyayari.

Lumalabas aniya na hindi epektibo ang gun ban dahil nakapupuslit at marami pa rin ang nabibiktima ng mga hindi lisensyadong baril.

Sa Metro Manila, halos magkasunod ang krimen na naganap tulad ng pangho-hold-up sa isang mall sa Mandaluyong City, pagpatay sa isang negosyante, pagsalakay ng pawnshop sa Cavite at iba pa.

Imumungkahi umano ni Brillantes sa mga awtoridad ang paglagay ng maraming checkpoints at mas mahigpit pa na pagpapatupad ng gun ban.

Matatandaan na Enero 13 nang magsimulang maglagay ng Comelec checkpoint sa iba’t ibang dako ng bansa.

Base sa inilabas na pinakahuling datos ng PNP umaabot na sa 282 katao ang inaresto dahil sa gun ban.

Sa nasabing bilang, kasama rito ang mga kagawad ng PNP, government officials, security guards, Cafgu at mga sibilyan na naharang sa mga checkpoint.

Samantala, liban pa rito, umaabot na rin sa 242 ang iba’t ibang uri ng baril ang nakumpiska ng mga kinauukulan.

(PARAZZI REPORTORIAL TEAM)

loading...

Leave a Reply

Your email address will not be published.